ANG KAGILA-GILALAS NA LUTO NG DIYOS
ANG KAGILA-GILALAS
NA LUTO NG DIYOS
ni Dindo Perez
MGA TAUHAN:
DIYOS
Isang lalaking batay sa itsura ay may tatlum-pung taong
gulang na. Siya ang gumawa ng langit at lupang alam natin.
UBERTINO
Humigit-kumulang apatnapung taong gulang. Isang tanyag na
pari noong nabubuhay. Ngayo’y isa nang utusan ng Diyos bilang tagagawa at tagahatid ng mga panaginip sa
lupa.
TAGPUAN:
Isang opisina. Magulo
ang pagkakaayos, halatang matagal nang hindi nalilinis. May isang magandang mesa na magulo rin,
natatambakan ng mga patung-patong na papeles.
Nasa ibabaw nito ang isang control panel ng intercom. Sa isang sulok ng mesa nakapatong ang isang
bote ng mamahaling alak, kalapit ng isang magandang baso, isang kaha ng
sigarilyo at ash tray. Nakakabit sa dinding
ang isang orasang walang kamay.
PANAHON:
Walang hanggan.
(Mangyayari ang dula sa opisina ni Diyos. Balisa ang mukha, nakaupo si Diyos habang
binabasa ang mga ulat ng iba’t ibang departamento na naipon nang siya ay
umalis. Magsisindi siya ng sigarilyo. Pasipsip-sipsip lamang siya ng alak sa
una. Kalaunan sa kanyang pagbabasa,
papalakas nang papalakas ang kanyang pag-inom, hanggang halos isang lagok na
lamang kung tunggain niya ang laman ng isang baso. Muli niyang pupunuin ang baso sa bawat
pagkaubos ng laman nito. May pipinduting
button ng intercom at kakausapin ang sekretarya sa pamamagitan nito.)
DIYOS:
Paparituhin mo si Ubertino.
Sabihin mong may mahalaga kaming pag-uusapan.
(Sasandal sa kanyang upuan. Gagawa ng mga smoke rings habang
naghihintay. Magsasalin muli ng alak sa
kanyang baso at tutunggain ito nang isang lagok. Magsasalin uli. Ilalapag sa ash tray ang
sigarilyo at magi-spray ng breath freshener sa bunganga. Papasok na si
Ubertino.)
UBERTINO:
(kinakabahan) Sir,
magandang...(titingin sa orasan at mapapakamot ng ulo) magandang...
DIYOS:
Magandang ano, Ubertino? (tatawa. tatayo at lalapit kay Ubertino) Bakit
kailangan mo pang abalahin ang iyong sarili sa pag-alam ng oras? Ang araw at
gabi ay para lamang sa lupa. Hanggang
ngayon ba naman ay hindi ka pa sanay sa walang hanggang panahon dito sa
langit? (Titigil) Halika nga dito
sa tabi ko. (Tatangkaing hawakan ang kamay ni Ubertino ngunit iiwas naman si
Ubertino)
UBERTINO:
(kunwa’y hindi napansin) Nasanay na po kasi akong
bilangin ang panahon ayon sa oras, na siyang magiging araw, at taon...
DIYOS:
(inis) Puwes magsanay ka. Kagaya nga ng sinabi ko, ang panahon dito sa
langit ay walang hanggan.
UBERTINO:
Nagtataka lamang po ako, Panginoon. Kung ang panahon ay walang hanggan, kahit ang
isang segundo ay hindi kailanman matatapos.
Kung gayon, ang kawalang-hanggan ng panahon ay nangangahulugan ng
kawalan ng panahon, hindi po ba?
DIYOS:
Hindi ka pa man ganap na pari ay kinatatakutan na ng marami
ang iyong katalinuhan, Ubertino. Hindi
naman nagkamali ang sapantaha ng lahat ng nakakilala sa iyo, hindi ba? Maging ang Papa sa Roma ay pinasakit mo ang
ulo. Pero sa akala mo ba’y hindi
nakarating dito sa langit ang iyong kasikatan...(bubugahan ng usok ang mukha
ni Ubertino. parang gustong mapaubo ni Ubertino ngunit magpipigil ito)
...kaya’t minabuti mo pang magyabang sa aking harapan? Alam mo ang sagot sa iyong tanong,
hangal. Ngunit sige, kung papuri ang
iyong nais ay sino naman ako para tumanggi?
Pagbibigyan kita: Tunay ngang matalas ang iyong pag-iisip!
UBERTINO:
(napapahiya)
Naku, salamat po!
DIYOS:
At para saan ka nagpapasalamat -- para ba sa pagpuri ko sa
iyong talino o sa pagbibigay ko sa iyo ng talinong pinuri ko?
UBERTINO:
N-naku, patawarin n’yo po ako sa aking kayabangan. Ang ibig ko lamang pong sabihin ay...marami
pong salamat sa pagpuri ninyo sa inyong sarili.
DIYOS:
Nang-aasar ka ba?
UBERTINO:
Naku! hindi po! Ang
ibig ko pong sabihin ay salamat sa pagpuri ninyo sa aking talinong kayo rin
naman ang nagbigay.
DIYOS:
Puwede ba, Ubertino...!
(Itutulak ni Diyos si Ubertino na siyang ikababagsak
nito. Inis na inis si Diyos. Habang pabalik ng upuan ay ire-recite niya ang
mantrang OM para pakalmahin ang sarili.
Magsasalin siya ng alak. Mantra
uli. Tutunggain niya ang laman ng baso
sa isang lagok. Mantra uli. Maya-maya’y kalmado na. Magsasalin muli ng alak at haharapin ang
bumabangong si Ubertino)
DIYOS:
Pwede ba, Ubertino...(naghahanap ng sasabihin) puwede
ba huwag mo akong popoin! Tingnan mo nga
‘yang sarili mo, ab’e mas matanda ka pa sa akin!
UBERTINO:
Ngunit kayo po ang lumalang sa akin? Samakatwid po, kayo ang mas matanda.
DIYOS:
Pero mas matanda ka pa rin.
UBERTINO:
Paano pong mangyayari ‘yon?
DIYOS:
(mayabang) Dahil ang lahat ng katangian ko’y walang
hanggan. Kaya’t walang hanggan ang aking
kabataan.
UBERTINO:
Ngunit mas matanda po kayo sa akin, kaya’t dapat ay wala
ring hanggan ang inyong katandaan.
DIYOS:
Nakakita ka na ba ng Diyos na tumatanda?
UBERTINO:
Hindi pa po.
DIYOS:
Kung ganoon, itigil mo na ang pagtatanong at...
(Muling lalapitan ni Diyos si Ubertino, nang-aakit. Lalayo naman si Ubertino)
UBERTINO:
(iibahin ang usapan) May isa pong mortal na nakapasok
dito.
DIYOS:
(inis) Oo, alam ko. Nasaan na nga ba siya?
(Maghahalungkat si Diyos sa mga papeles sa mesa. Kukunin niya ang isang dokumento at babasahin
ito)
UBERTINO:
Pinabalik na po sa lupa.
Hindi naman po niya kasalanan ang pagpunta rito. N-nagamit lang po niya ang mga bakas ng
panaginip na ipinadala ko sa lupa. Kaya
po akala niya, panaginip pa rin ang lahat ng nangyari sa kanya dito sa langit.
DIYOS:
(galit) Bakit ka nag-iwan ng mga bakas?
UBERTINO:
(takot) Hindi ko po iniwan. Humagis po mula sa sasakyan sa aking
pagmamadaling dalhin ang mga panaginip sa lupa.
DIYOS:
Ubertino, hindi naman bawal ang pumunta dito sa langit. Ang kailangan nga lamang ay una, mabuti kang
tao, at pangalawa, dapat patay ka na.
Ang taong pumunta rito-- Ano’ng pangalan n’ya?...
UBERTINO:
Alex po.
DIYOS:
...Ang Alex na iyon ay hindi mabuti. At lalong hindi pa patay. Ngayon, maaari nating gawan ng paraan ang
hindi niya pagiging mabuti. Kategorya
lang naman ang mabuti at masama. Pero
ang pagkakapunta ng isang buhay na tao dito sa langit... isang malaking insulto
sa akin ‘yan! Tiyak na pagtatawanan na
naman ako ng aking mga kaibigan.
UBERTINO:
May kaibigan po kayo?
DIYOS:
Oo. Katunaya’y galing ako sa isang bakasyon kasama sila
kaya’t matagal akong nawala.
UBERTINO:
Siguro po’y mga anghel sila, ano po?
DIYOS:
Hindi. Hindi sila
anghel. Ang totoo’y wala namang
katawagan sa kanila dahil hindi ko naman sila kailangang bigyan ng
pangalan. (muling magsasalin ng alak)
Ang mga tao lang naman ang mahilig magbigay ng pangalan sa mga bagay. Madali kasi kayong malito. Kaya kailangan ninyo ang mga pangalan para
madaling matandaan kung halaman ba o hayop, halimbawa, ang isang bagay. Kung hayop, ano’ng klaseng hayop? Pusa ba, aso, kalabaw? Kung aso, anong pangalan? Blackie, Whity, Browny? Masyado na ngang partikular ay nagkakalituhan
pa kung minsan: si Blackie Senior ba, Blackie Junior o Blackie the Third?
UBERTINO:
Tatawagin ko na lamang po silang mga Kaibigan ng Diyos.
DIYOS:
Tao ka na nga ay baduy ka pa. Buweno, bahala ka kung ikababawas ng
pagkalito mo. Pero makinig ka, sa iyo ko
lamang sasabihin ito. Binigyan ko silang
mga...Kaibigan ng Diyos...ng malawak na kapangyarihan at talino para kahit
papaano’y makasabay naman sila sa akin.
Pero alam mo, mukhang sumobra yata ang kapangyarihang ipinagkaloob ko sa
kanila. (titigil) Alam mo bang ako ngayon ang tampulan ng
kanilang mga pang-aasar? Masyado raw
magulo ang mundong aking ginawa. Hindi
raw ako marunong gumawa ng mundo, sabi nila.
Ipinakita pa nila sa akin kung ano ang kaugnayan ng giyera sa Bosnia at
ang pagtubo ng isang wisdom tooth sa gilagid ni Solomon, ang anak ni David.
UBERTINO:
Paano pong naging magkaugnay ang dalawa ‘yon?
DIYOS:
Hindi ko masyadong inintindi ang kanilang paliwanag. Ang totoo’y asar na asar na ako nang mga oras
na iyon. Ang isang pangyayari ay
nagbubunsod ng isa pa, at isa pa, at isa pa, at isa pa, ang narinig kong sabi
nila. Maliit man o malaki, ang lahat ng
pangyayari ay may kaugnayan sa isa’t isa.
(sandaling mag-iisip) At dahil ako raw ang Diyos, dapat ay alam
ko ang mangyayari bunga ng aking mga desisyon. Kung hindi ko raw pinatubuan ng
wisdom tooth si Solomon, hindi raw mangyayari ang giyera sa Bosnia, iba raw ang
presidente ng Microsoft Corporation, mas maigsi raw ang Cold War, hindi
masasagasaan ng dyip ang isang cigarette vendor noong nakaraang bagong taon, at
hindi mababagok sa daan ang kotseng sinasakyan ng isang babaeng nagngangalang
Anita Reyes habang naglalagay siya ng eyeliner -- na naging dahilan ng kanyang
pagkabulag.
UBERTINO:
Ikinalulungkot ko pong kayo pala’y mapagtatawanan. Inihahanda ko po ang aking sarili sa anumang
kaparusahang nais ninyong igawad sa akin.
DIYOS:
(iiling) Hindi na.
Kung ang tao nga’y nagpapatawad, dapat ay ako rin, hindi ba? Papabayaan ko na lamang na asarin ako ng
aking mga kaibigan. Kasalanan ko rin
naman ang lahat, kung papaniwalaan mo ang sinasabi nila. Hindi raw mangyayari ang kahit na anong bagay
kung hindi ko ito gugustuhin. Isa pa, lalo lamang akong magiging katawa-tawa
kung paparusahan kita. Para ko na ring
inaming hindi ko nga alam na magkakamali ka sa iyong pagmamadali. At...isa pa, alam mo namang hindi kita
maaaring parusahan.
(Muling lalapit si Diyos kay Ubertino at yayakapin
ito. Kakawala naman si Ubertino)
UBERTINO:
(kunwa’y walang nangyari) Bakit po, t-talaga po bang
hindi ninyo alam na mangyayari pala ito?
DIYOS:
Hindi. Paano kong
malalaman ‘yon?
(Tutunggain ni Diyos ang laman ng kanyang baso at muling
magsasalin ng alak)
UBERTINO:
Hindi totoo ‘yan, Panginoon.
Alam kong alam ninyo!
(Matagal na katahimikan.
Palaguk-lagok lamang ng alak si Diyos, habang nakatingin nakatingin
naman sa kanya si Ubertino, na naghihintay ng sagot na gusto nitong
marinig. Makukulitan na rin si Diyos)
DIYOS:
(inis) Oo na, oo na!
Alam kong mangyayari ang lahat ng ito.
O, ano, kulang pa ba? Dadagdagan
ko. Alam ko ang lahat ng kasawian at
tagumpay na daranasin ng isang tao bago pa man siya isilang, bago pa man
isilang ang kanyang mga ninuno...bago ko pa man gawin ang mundo. (lalapit kay Ubertino) Hindi ko pa man nagagawa ang liwanag ay
kilala na kita Ubertino, alam ko na ang mangyayari sa iyo, alam na alam ko kung
kailan ka ipapanganak at kailan ka mamamatay.
Maging ang mga pinakamaliit na bagay tungkol sa iyo ay alam ko, kung
kailan ka iihi, dudura, dudumi. Kung
magkakamot ka ba ng ulo, ng batok, ng ari.
Alam ko kung ano ang gagawin mo bago mo pa man isipin, bago ka pa man
magkaisip. (titigil) Bago ka pa
man isilang ay alam ko nang magkakasala ka tuwing papasok ka sa kubeta.
(Mapapatungo sa hiya si Ubertino. Mapapahalakhak si Diyos)
DIYOS:
Alam kong mangyayari ang lahat ng alam ko, lahat ng iniisip
ko. Ang pagbabago ng mga pangyayari ay
kasindali lamang ng pagbabago ng aking isip.
At bakit nga ba nagbabago ang aking isip? Wala lang.
Basta gusto ko lang. (muling magsasalin ng alak si Diyos at
tutunggain ito. waring may
maaalala. biglang lulungkot ang tono)
Maraming bagay akong alam. Maraming
bagay akong nais kalimutan. Ngunit hindi
ko magawa dahil walang hanggan ang aking memorya.
UBERTINO:
Bakit hindi n’yo po subukan.
Kaya ninyong gawin ang lahat ng bagay, hindi ba?
DIYOS:
Walang hanggan ang aking kapangyarihan. Lahat ng bagay ay kaya ko. Lahat ng bagay ay alam ko. Ngunit ito rin ang dahilan kung bakit hindi
ko alam kung paano gagawin ang maraming bagay.
Hindi ko alam kung paano makakalimot, hindi ko alam kung...paano
magpakamatay. (titigil) Kaya ko bang gawin ang lahat ng bagay? Buti pa kayong mga nilalang ko. Siguradong-sigurado sa aking kakayahan,
buung-buo ang paniniwala sa akin na siyang gumawa ng lahat. (titigil)
Alam n’yo bang masuwerte kayo?
Ang inyong isip ay payapa. Walang
iniintindi kundi ang pagtuklas kung ano ba ang plano ko para sa inyo. At kung hindi n’yo man matuklasan, ayos lang,
hindi ba? Basta’t ipagkatiwala n’yo lang
sa akin ang inyong buhay ay ayos na kayo, wala na kayong dapat
problemahin. (ngingiti) Bukod
kayong pinagpalang mga walang alam.
Bukod ko kayong pinagpala. (titigil)
Nakakatawa, hindi ba? Pati ang pagtubo
ng ngipin ay sa akin pa nakaasa.
(Kukuha ng isang dokumento si Diyos pagalit itong
ihahagis. Marahas niyang papalisin ang
mga nakapatong sa kanyang mesa.
Maya-maya’y payapa nang uupo at muling kakausapin si Ubertino)
DIYOS:
Hindi ka pa nakakakita ng Diyos na tumatanda. Pero ngayon, baka makakita ka na ng Diyos na
sira-ulo.
UBERTINO:
A-at lasing?
DIYOS:
Dahil ako’y malungkot.
UBERTINO:
Nalulungkot din pala kayo.
DIYOS:
Lagi. Hindi lang
minsan.
UBERTINO:
Nagbabasa po ako kapag ako’y nalulungkot. O kaya’y nag-iisip. Marami pong tanong ang nasagot ng
pilosopiya.
DIYOS:
Alam ko na ang lahat, ano pa ang aking babasahin? At hindi mo ba alam na ang lahat ng
pilosopiya ay tungkol sa akin? Kahit na
iyong mga pilosopiyang itinatakwil ang Diyos, Diyos pa rin ang pundasyon ng
sinasabi n’yan. Hindi mo pa ba nababasa
ang mga sinulat ni Derrida?
UBERTINO:
Hindi...hindi ko po siya inabutan. Si Thomas Aquinas ang sikat na pilosopo noong
ako ay mamatay.
(Pipigilin ni Diyos ang pagtawa, pero matatawa pa rin)
UBERTINO:
(babawi dahil sa pagkapahiya) P-pero kahit po alam ko
na kung ano ang laman ng isang aklat ay binabasa ko pa rin. Minsan nga po’y binabasa ko pa kahit ilang
ulit ko nang nabasa.
DIYOS:
Teka, magkaliwanagan nga tayo. Sa akala mo ba’y ayaw kong magbasa? Sa akala mo ba’y hindi ko kailanman ninais na
matuto mula sa iba? (kukuha ng isang
dokumento at iwawagayway ito kay Ubertino) Hindi mo pa rin ba maintindihan,
Ubertino? Hindi pa man nasusulat ang
dokumentong ito ay alam ko na ang kanyang lalamanin. Hindi ka pa man ipinapanganak ay alam ko na
ang magiging sagot mo sa mga itinanong ko sa iyo kangina. Lahat ng ito’y ay kalokohan, ang lahat ng ito
ay paglalaro. Pagkukunwaring mayroon
akong hindi alam. Upang sa gayon, kahit
sa pagpapanggap ay magkaroon ako ng katahimikan. Paglalaro, Ubertino. Tulad ng pagtatanong ko sa iyo kung hindi mo
pa rin ba maintindihan gayung alam ko na naman ang sagot! (titigil) Para akong aktor sa isang dulang hindi ko
naman alam ang istorya. Alam ko ang
iskrip, pero hindi ko alam kung bakit.
Basta’t alam ko ang lahat ng aking gagawin, sasabihin, iisipin. Bago pa man ako mag-isip, Ubertino, ay alam
ko nang ako’y mag-iisip, at lalong alam ko na ang aking iisipin. Ha! Hindi ko na kailangang mag-isip para ako’y
makapag-isip! Wala akong kontrol, wala
akong kayang baguhin. Kailangan kong
sumunod sa agos, sa takbo. Kailangan
kong sundin kung ano ang nasa aking isip, kung alin ang aking gusto. (titigil) Hindi ba nakakatawa? Ako ang gumawa ng lahat pero hindi ko rin
naman alam kung bakit -- basta gusto ko lang.
Basta...gusto ko lang. (titigil) Gumawa ako ng mundo dahil gusto ko lang.
Milyun-milyong bata ang namatay sa giyera, sakit, gutom...dahil gusto ko
lang. Sa mga sandaling ito, hindi na
mabilang ang mga kaluluwang sinusunog sa impyerno dahil wala, gusto ko
lang. (malungkot) Basta gusto ko
lang, Ubertino. (pagalit) Ngayon,
itanong mo nga sa sarili mo: Katwiran ba naman ‘yan ng isang matinong Diyos? (titigil) Hindi lamang kayo ang aking alipin,
Ubertino. Ako man ay alipin ng aking
sarili.
(Pagalit na ihahagis ni Diyos ang baso at tutungga mula
sa bote. Muling magsisindi ng
sigarilyo. Mukhang lasing na siya)
UBERTINO:
Lasing na po kayo.
DIYOS:
Mabuti kang tao, Ubertino.
Bakit ka ba nagpakabait? Ano ba
ang gusto mong kapalit? Gusto mo bang
maging Diyos? Sige, ikaw na lang!
(Kukunin ni Ubertino ang baso at ibabalik sa mesa ni
Diyos. Tatangkaing kunin ni Ubertino ang
bote ng alak kay Diyos, pero tatabigin siya nito)
DIYOS:
Sawang-sawa na ako.
Asar na asar na ako. Ah! gusto
kong maging tao, Ubertino. Gusto kong
maging katulad mo. Gusto kong
magpahinga, gusto kong matulog, para isang gabi ay dadalawin mo ako, kasama ng
iyong mga panaginip. At sasaya ako,
mahihiwagaan sa ganda ng mundo, ng panaginip na iyong ginawa. (titigil) Gusto kong umibig, gusto
kong magutom, gusto kong masaktan!
UBERTINO:
Hindi po puwede ‘yon.
Diyos po kayo.
(Itutulak ni Diyos ang ang mesa at babagsak ito)
DIYOS:
Ayoko nang maging Diyos.
Gusto kong makalimot.
UBERTINO:
Walang pong hanggan ang inyong isip.
DIYOS:
Gusto ka nang matahimik.
Gusto ko nang mamatay.
UBERTINO:
Wala pong hanggan ang inyong buhay.
DIYOS:
(paiyak) Alam ko!
(Mapapaluhod si Diyos at hahagulgol ng iiyak. Lalapitan siya ni Ubertino
at hahagud-hagurin sa likod para kumalma. Buong pagmamahal na hahagurin ni Ubertino ang
pisngi at buhok ni Diyos. Pero
maya-maya’y maaalangan siya. Iiwas siya
ng tingin kay Diyos)
DIYOS:
(kalmado) Walang kahulugan ang aking buhay, Ubertino.
UBERTINO:
Hindi totoo ‘yan, Panginoon.
DIYOS:
Totoo ang sinasabi ko, peks man. Hindi nagsisinungaling ang Diyos.
UBERTINO:
Kaya n’yong gawin ang lahat.
Bakit hindi n’yo likhain ang sarili ninyong kaligayahan?
DIYOS:
Nasasabi mo lamang ‘yan dahil wala ka sa katayuan ko, dahil
hindi ka ako. Hindi mo alam kung gaano
kalungkot ang pag-iisa. (titigil) Nagawa mo na bang makipag-usap,
makipag-iyakan sa repleksyon mo sa harap ng salamin? Katangahan iyon, hindi ba?
Bakit mo kakausapin ang salamin gayong
alam mo namang nakasunod lamang ito sa lahat ng sasabihin at gagawin mo? Ganuon ang ginagawa ko ngayon, Ubertino. Kinakausap kita pero alam ko na ang lahat ng
sasabihin mo. Wala ka nang magagawa
kundi gawin ang kung anong alam kong gagawin mo. Pero kinakausap pa rin kita, Ubertino. Hindi
ba isang katangahan ito? Ha! maging ang
pagsasabi kong ang lahat ng ito ay katangahan ay isa rin mismong
katangahan! (muling hahagulgol ng
iyak) Katangahan ang lahat,
Ubertino. (titigil) Tulad ng
pagmamahal ko sa iyo.
UBERTINO:
(iiwas) Magpahinga na kayo, Panginoon.
DIYOS:
(hahawakan si Ubertino) Mahal kita, Ubertino.
UBERTINO:
(aalis sa hawak ni Diyos) Mahal n’yo po ang lahat ng
inyong nilikha.
DIYOS:
Mahal kita.
(Tatangkaing halikan ni Diyos si Ubertino pero iiwas ito)
UBERTINO:
(galit) Tumigil na kayo! Bakit n’yo ba ginugulo ang pananahimik ng
aking isipan..ng aking damdamin?
DIYOS:
Hindi ko alam! Hindi
ko alam. S-siguro’y nalulungkot lamang
ako sa pag-iisa. At ang pagpapaintindi
ng sarili ay paghahanap ng kasama. (titigil)
N-nais kitang maging kasama, Ubertino.
Wala nang halaga ang lahat. Ikaw
na lamang. Mahal kita, Ubertino. Gusto kong maging tao. Bayaan mong mahalin kita tulad ng isang
tao. Magmahalan tayo, Ubertino.
UBERTINO:
Hindi maaari, Panginoon.
DIYOS:
Bakit hindi? Maaari
sa akin ang lahat. Kaya kong gawin ang
lahat, hindi ba?
UBERTINO:
Panginoon, huwag sanang pulos sarili n’yo lang ang inyong
iniisip. Paano na kaming mga nilikha
mo? Paano na ako? Mula pagkabata’y sinamba ko na kayo,
pinaglingkuran ko na kayo. Katakut-takot
na hirap ang aking dinanas upang maipakalat ang inyong aral. Para saan ang lahat ng aking paghihirap,
Panginoon? Ano na ang kahulugan ng aking
buhay kung ang sa inyo mismo ay wala.
DIYOS:
Ngunit mayroon nang kahulugan ang aking buhay,
Ubertino. Ikaw.
UBERTINO:
Mayroon nga ang sa inyo’y mawawala naman ang sa akin.
DIYOS:
At bakit mawawala?
Ikaw ang kahulugan ng buhay ko. Samantalang ako naman ang sa iyo.
UBERTINO:
Hindi ko kailangan ng asawa.
Ang kailangan ko ay isang Diyos.
DIYOS:
Mahal kita.
UBERTINO:
Hindi totoo ‘yan.
Hindi n’yo ako mahal.
DIYOS:
Mahal ko ang lahat ng aking nilikha.
UBERTINO:
(papaiyak) Hindi ko kayo mahal.
DIYOS:
Mahal mo ako.
UBERTINO:
At paano n’yo nalaman?
DIYOS:
(ngingiti) Alam ko ang lahat.
(Si Ubertino naman ang hahagulgol ng iyak. Lalapitan ni Diyos si Ubertino at hahalikan
nito sa labi si Ubertino. Sa una’y
tututol, papalag si Ubertino. Pero
maya-maya’y gumaganti na rin ng halik.
Marubdob ang kanilang pagyayakapan.
Maya-maya’y magbibitiw, kapwa humihingal)
UBERTINO:
Ikaw ang gumawa sa akin.
Ako ang aktor na gumaganap sa dula ng aking buhay na inyong
sinulat. Mayroon din kayang gumawa sa
inyo, na nagdidikta kung ano kayo, na nagbibigay ng kahulugan sa inyong buhay?
DIYOS:
Siguro. Sa kundisyon
ko ngayon, siguro kahit ano ay handa ko nang paniwalaan.
UBERTINO:
Mayroon nga kayang gumawa sa iyo... Panginoon?
DIYOS:
Hindi ko alam. Alam
ko, naganap ang usapang ito para maintindihan mo ako. Ano nga bang malay natin? Baka nga may lumikha sa akin, at ginamit
naman niya ang tagpong ito para siya naman ang maintindihan ko. Marahil
gusto rin niyang magpakilala sa akin, Ubertino.
Dahil nalulungkot siya? O baka
naman mayroon pang lumikha sa kanya na gusto ring makipagkilala. Pero,
papaano ko malalaman kung alin ang totoo? (titigil) Basta’t ang alam ko ay gusto
kong maniwala, Ubertino. Dahil kailangan
ko ng papaniwalaan. Kailangan kong
maniwala, para hindi mawala ang aking katinuan.
(mag-iisip) May lumikha nga ba sa akin? (nakangiting yayakapin si Ubertino) Paano ko malalaman ‘yon? Diyos lamang
ako.
(Maghahalikan.
Didilim)
(note: Sinulat ko ito taong 1996, para sa playwrighting class ni Rene Villanueva. Natuwa dito si Rene at binigyan ako ng grade na 1.0)

0 Comments:
Post a Comment
<< Home