Monday, September 25, 2006

NENENG

Halina! Halina! Sinisiklot ng bukang-liwayway ang nagtatagong dilim. Winawasak nito ang kalituhang sumakop sa ating bayan nang minsan ay naisipang matulog ng araw.

Tulad ng dati, wala pang alam si Neneng sa nangyayari. Saan daw ibinaon ang tatay niya? Ewan. Basta’t hanggang ngayon daw ay hindi pa lumalabas. Patay na kaya ‘yon?

Aling Tale! Huy! Nakita n’yo daw ba si Julian? Ewan daw, Neneng. Buti pa kaya e matulog ka na lamang at bukas na maghanap sa tatay mo. Gabi na e.

Nakakaawa naman si Neneng. Biruin mo, isang linggo nang naghahanap sa tatay niya, ni hindi naman niya alam kung bakit niya hinahanap.

E ano nga bang palagay mo kung bakit niya hinahanap?

E ayon nga sa sabi-sabi, tila nawawala raw.

Nawawala lang e hahanapin na?

Ewan.

Halina! Halina! Sinisiklot ng tag-init ang nanlalamig na puso ng kawalan. Hindi nga ba’t nang mawala ang tatay ni Neneng ay nawala na rin ang nanay niya?

Bakit nga ba?

E kasi nga mag-asawa sila?

Tapos?

E di magkasama sila nang tangayin si Julian.

E sino nga ba ang tumangay kay Julian.

Siguro ‘yun ding nagbaon sa kanya.

Huy! Aling Tale! Nakita n’yo raw ba si Julian?

Neneng, hindi pa rin daw nakita e.

Mabuti pa siguro umuwi ka na. Bukas mo na lamang hanapin. Baka bukas makita na siya ni Aling Tale.

Halina! Halina! Bakit kinain ng liwanag ang kawalan? Bakit hindi makita ang dilim gayong lumiwanag na nga? Mas lalo bang lumabo ang ating paningin dahil sa liwanag?

Saan nga kaya napunta si Julian?

Ibinaon nga daw.

Saan?

Sa lupa.

E ‘di ba hindi pa naman siya patay? Bakit naman siya ibabaon?

E kasi nga, ibinaon siya nang buhay.

E babalik pa daw ba?

Ewan ko. Wala namang pasabi si Julian e.

Halina! Halina! Kumakalat ang liwanag. Sumasabog ang kanyang binhi sa sakop ng dilim. Lumalaki ang liwanag habang ang dilim ay kanyang kinakain.

Sana bumalik na si Julian.

Hindi na babalik ‘yon.

Bakit?

Wala na siyang babalikan. Wala na rin si Neneng.