OLEG
HINDI PA RIN NAGBABAGO SI OLEG. Kimi. Tahimik. Hindi nagsasabi kung ano ang nasa loob. Ang ipinagkaiba lang, mas lalo siyang pumayat. Halatang mahiyain pa rin sa pagtanggap ng sustansiya sa katawan. Maitim pa rin siya. Mukha pa ring ita, sabi ko, na hindi naman niya ikinagalit. “Sanay na ako,” ang pamilyar na dayalog niya kapag siya’y pinipintasanan.
Grade 5 kami nang maka‑klase namin si Oleg. Unang bungad pa lang niya sa silid, inulan agad siya ng tukso. Uling daw, sunog, puwit ng kaldero. Ang itim kasi ng balat. Akala nga namin ay ita. Hindi naman niya pinapansin ang mga panunukso sa kanya. Nakatungo lang siya, walang ekspresyon ang mukha.
Ang unang problema niya ay ang upuan. Walang gustong magpatabi sa kanya kaya’t antagal niyang nakatayo kahit marami pang bakante. Pagdating ng adviser naming si Ma’am Lourdes ay saka lamang kami natahimik ng panunukso sa kanya. Pinapuwesto siya sa may unahan. Mula noon, naging karaniwan nang tanawin sa klase ang paghawak-hawak niya sa ulo dahil sa tama ng sumpit at lastiko.
Kalaunan, nalaman naming mabait naman pala. Nakaibigan namin ng best friend kong si Ben. Tuloy pa rin ang panunukso ng ibang bata, pero kahit ano yatang panunuksong gawin kay Oleg ay hindi siya naaapektuhan. Sanay na ako, sabi niya sa amin ni Ben.
Ang totoo niyan, hindi naman talaga namin gustong makipag‑kaibigan kay Oleg. Isang araw lang, habang papauwi ay nakasabay namin si Ma’am Lourdes. Nabanggit niya si Oleg. Kaibiganin daw namin. Kasi kawawa naman.
Bago pumasok sa paaralan, nagtitinda muna si Oleg sa tindahan ni Miming Intsik tuwing umaga. Dumidiretso sa nanay niya ang kanyang kita, na karaniwa’y bumabalik ‘din kay Miming Intsik na siyang may pinakamalaking koleksyon ng bilog at lapad sa baryo namin. Kung hindi man umiinom, nagsusugal ang nanay ni Oleg. At kung natatalo, karaniwan si Oleg ang may sala. Buwisit daw kasi si Oleg sa buhay niya.
Madalas palang saktan si Oleg ng nanay niya. Kapag wala siyang maibigay sa nanay niya, sinasaktan siya nito. Ang masaklap, kahit pala may naibibigay siya, sinasaktan pa rin. Kapag lasing, bugbugan pa rin. Pag hindi lasing, mas lalong bugbugan. Nang lumaon, nahalata ko, hindi naman pala kailangan ng dahilan para bugbugin si Oleg. Basta galit lang sa kanya ang nanay niya. Ala‑ala daw kasi siya ng kanyang ama, at kundi raw dahil sa pagbubuntis sa kanya ay kumikita pa sana nang malaki ang kanyang ina, ang kanyang putang ina. Pero kahit gano’n, mahal pa rin ni Oleg ang nanay niya. Talagang pang‑soap opera ang kanyang ugali, kung hindi man ang kanyang itsura.
Kadalasan ay hindi siya kumakain kapag nasa eskwelahan. Pagkatog ng bell para sa recess, takbo na agad siya sa library, kung anu-ano’ng binabasa. Hanga naman ang guro namin. Masipag daw. Pero kalaunan, nalaman ni Ben, halos naman hindi pala siya marunong bumasa. Kaya madalas sa library, do’n nagpapalipas ng recess para huwag mainggit sa pagkakainan namin.
Ano pa nga ba ang gagawin namin ni Ben kundi kaibiganin siya? Una’y dahil nakakaawa talaga. Pangalawa, dahil sinabi ni Ma’am Lourdes (o ito ba ang una?). Grade 5 pa lamang kami pero alam na namin ni Ben na kami ang maglalaban sa honors pagdating ng Grade 6. At alam naming hindi maganda sa aming reputasyon ang pagiging matapobre at mapang‑hamak ng kapwa.
“A-Ako ba ang tinatawag ninyo?” tanong ni Oleg nang kawayan namin siya ni Ben.
“Oo,” sabi ni Ben. “Halika, hahatian ka namin ng baon.”
Alanganing lumapit. Pakipot pa pero gutom rin naman, bulong ko kay Ben. Siniko ako ni Ben.
Maya‑maya’y lumapit din. Binigyan ni Ben ng isang sandwich. Maya‑maya pa, nagtatawanan na kaming tatlo. Siyempre kitang‑kita ni Ma’am ang lahat. Alam ko, natutuwa siya kaya’t natutuwa rin kami ni Ben. Masarap talaga ang pakiramdam kapag gumagawa ka ng mabuti ‑‑ lalo na kapag nakamasid lamang sa tabi‑tabi si Ma’am Lourdes.
Mula noon, kabuntot na namin si Oleg kahit saan kami pumunta ni Ben. Paninirador, paglalangoy sa may sapa, pangunguha ng gagamba. Kapag may bibilhin sa tindahan tulad ng softdrinks at puto‑seco, hindi na siya kailangang utusan. Siya na ang nagpi‑prisinta. Kami kasi ni Ben ang laging may dalang pera. Kung baga sa relasyong kapitalista at manggagawa, labor lang ang maaari niyang ibigay na kontribusyon. Pero kung sabagay, siguro’y alam na rin niyang kapag hindi siya nag-prisinta, siya rin naman ang uutusan namin ni Ben.
Nang dumating kami sa Grade 6, halos alam na namin ang mangyayari. Ganoon naman daw ang nagyayari taun‑taon. Nag‑away kami ni Ben dahil sa honors. At matinding away talaga.
Noong una’y hindi lang kami nagpapansinan. Tapos nagkaroon na ng pasikatan sa klase. Magaling ako sa English at Filipino habang terible naman siya sa science at math. Nang nahalata ng klase na nagkakainitan na kami, nagkaroon na ng dalawang kampo ‑‑ isang kampong maka‑Ben at isang kampong maka‑Jojo (ako ‘yun!).
Sa tindi ng away namin ni Ben, ang lahat na yata ay tila pinaglabanan namin -- kung sino ang may mas malinis na damit, kung sino ang nakabunot ng mas maraming damo sa playground, kung sino ang mas maraming naigib na tubig para sa canteen, kung kanginong tanim ang mas mabunga, kung sino ang mas maraming kaibigan, at kalaunan, kung kangino sasama si Oleg. Noon namrublema si Oleg. Kangino siya sasama e pareho naman kaming naging mabait sa kanya ni Ben?
Nasentro ang atensyon ng klase kay Oleg.
Tuwing labasan, unahan na kami ni Ben sa pagsabay kay Oleg. Kapag kasama ko si Oleg, pakiramdam ko ay asar asar si Ben. Tuwa naman ako. Pakiramdam ko, natatalo ko siya sa paligsahan namin. Pakiramdam ko ako na ang valedictorian. Tingin ko’y ganoon din naman ang pakiramdam ni Ben kapag sila ni Oleg ang magkasama. Nakakatawa, pero ang pagiging valedictorian ay tila ba pinaglabanan namin ni Ben sa kung sino ang sasamahan ni Oleg. Sa araw-araw na giyerang-patani namin ni Ben, si Oleg ang nagsilbing tropeong ipinaparada ng nagwagi sa araw na iyon.
Nang lumaon, si Oleg na ang lumayo sa aming dalawa. Siguro’y nakulitan na rin. Ayos lang naman.’yon, basta ba’t pareho niya kaming lalayuan ni Ben. Hindi ko alam kung bakit, pero nang dumistansiya sa amin si Oleg ay tila ba pareho namin siyang biglang nakalimutan.
Ilang linggo bago ang graduation, halos hindi namin napansin ni Ben, hindi na pala pumapasok si Oleg. Sabi ni Ma’am Lourdes, may sakit daw ang nanay. Hindi na makakayang pumasok dahil bukod sa kailangang kumita, kailangan pa niyang alagaan ang kanyang malupit na ina. Sabi ko na, pang‑soap opera ang ugali ni Oleg.
Natapos ang graduation pero hindi dumating si Oleg. At nalaman naming namatay pala ang nanay ilang oras bago ang graduation. Bituka raw ang nadale. Gusto ko sanang pumunta sa lamay. Kaya lang wala akong kasama. Kinabukasan kasi, lumipad na papuntang Hong Kong ang pamilya nina Ben -- regalo sa kanya ng tatay niyang Beho. Pero okey lang naman siguro kung hindi ako makapunta, naisip ko. Siguro, marami namang tao. Hindi lang naman siguro ako ang kaibigan ni Oleg. Hindi na mahahalatang wala ako. Wala na rin namang magtse-tsek ng attendance sakaling hindi ako makarating. Hindi ko na titser si Ma’am Lourdes.
Matalik pa rin kaming magkaibigan ni Ben hanggang high school. Pero unti-unti, nagkaroon na rin kami ng kanya-kanyang barkada. Nang mag-college, du’n na kami nagkahiwalay. Nakapagtapos ako ng kolehiyo na hindi ko man lang siya nakikita. Balita ko’y naging engineer na siya. Naging manunulat naman ako. Kaya heto ako ngayon: pagala-gala, nangongolekta ng mga karanasan.
Pero sa dami na ng nasulat ko, minsan ay natutuyuan na talaga ako ng ideya. Nauubusan na ako ng istoryang kakaiba, anumang laboy ang gawin ko. Bigla kong naalala si Oleg. Bakit hindi ko isulat ang buhay ni Oleg? Napakaganda ng pagkakalungkot ng kanyang buhay para sayangin lamang sa ala-ala.
At sa di-inaasahang pangyayari -- deus ex machina ng totoong buhay -- nagkita kami ni Oleg. May bonus pa dahil napaka-inspiring ng kanyang ayos -- tunay na simbolo ng kahirapan, nakaka-agit. Palanca material, naisip ko. Noon ko nasapol kung ano ang naramdaman ni Magellan nang madiskubre niya ang Pilipinas. Hindi pa man ay nagbibilang ka na ng ginto at rekadong ibabalik sa Espanya.
“Oleg!” bati ko.
Nang una’y hindi ako nakilala. Pero nang mamukhaan na ako, alanganing napangiti.
“Kumusta?” sabi ko
“O-Okay lang.”
Hindi ko alam kung napangiti ako. Sa kaso kasi namin ni Oleg, talagang nakakatawa ang sagutang ito -- wala akong pakialam kung kumusta na siya, at kahit ano’ng sipat ang gawin ko, hindi siya puwedeng maging okay.
“K-Kamusta na,” sabi naman ni Oleg.
“Okey lang,” gaya ko. “Halika muna, kain tayo.”
Nag-alangan.
“Sige na, ililibre kita,” yakag ko sabay hila sa kanyang braso. Pakipot pa pero gutom rin naman, bulong ko sa sarili ko. Natapilok ako.
Akyat kami sa Fernando’s. Hindi iilan ang napatingin sa itsura ni Oleg. Sabi ko na, hindi siya okay. Umorder ako ng sisig, kanin at dalawang bote ng beer.
Hindi pa rin nagbabago si Oleg. Kimi. Tahimik. Hindi nagsasabi kung ano ang nasa loob. Halatang gutom at gustung-gusto nang kumain ay pinaiiral pa rin ang hiya.
Nagkataong sadista yata ako nang araw na iyon. Nakahain na ang umuusok-usok pang sisig ay hindi muna ako kumain. Gusto kong makita ang kanyang gagawin, kung nagbago na ba siya. Susubo na ba siya o hihintayin akong umuna?
Humigup-higop muna ako ng sabaw habang pakuwento-kwento. Higop din siya, nakikinig. Umorder ako ng pansit. Higop ulit. Nang maubos namin ang sabaw, humingi uli ako. Tig-isang tasa kami. Sinimulan ko na ang pagkain. Nagsimula na rin siya. Gutom talaga, naisip ko.
Nakapag-asawa pala si loko. Pero iniwan din siya nang makakita ng kalaguyo. Baka dahil mas maputi, naisip ko. Iniwan sa kanya ang dalawang anak. Isang lalaki at isang babae. Junior niya ang panganay -- Olegario Jones, Jr. Napangiti ako. Kung ang Senior ay pinaghalong imported at local na tsokolate, ang Junior naman ay ano, choc-nut?
Naubos na ang pagkain. Order uli ako ng pansit. Canton naman dahil bihon ang inorder namin noong una. Kumuha uli ako ng dalawang beer.
Kamamatay lang pala ng anak na babae. Lupus daw, na ang tanging pagkakaintindi niya ay siyang naging sakit ni Apo Makoy. Nang maisipan niyang ipadoktor, malala na. Kahit raw gastusan pa, sabi sa charity ward ng UERM, hindi na kayang gamutin. Para daw AIDS kung kumapit, walang ligtas. Ano pa raw ang magagawa niya? Kahit pala may panggastos ay mamamatay rin. Kaya ginawa na lamang niya ang kaya niyang gawin -- umiyak siya.
Tatlong buwan daw nilagnat. Nang mawala ang lagnat, lantang gulay na ang itsura. Payat. Humpak ang pisngi. Halos bumaon na sa lalim ang dati’y masiglang mata. Sa una’y nakakapagsalita pa, na mas maaaring tawaging ungol kaysa salita. At sa maliit nilang barung-barong sa tabi ng riles ng tren, doon na lamang naghintay ng wakas ang biography ng kanyang anak. Magandang istorya, thank you.
Naghahanap daw siya ng trabaho. Pero wala raw magkamali. Kung hindi siya napapagkamalang may TB, napapagkamalan siyang magnanakaw. Itinanong ko kung ano ang pinagkakakitaan niya ngayon. Paliguy-ligoy. Ayaw sabihin. Hindi ko na kinulit. Medyo nahuhulaan ko na naman kung ano. Sapat na sigurong ebidensiya ang nagkakalansingang barya sa kanyang maluwag na pantalon at ang kalawanging lata ng sardinas na patago niyang idinispatsa habang paakyat kami ng Fernando’s.
Naubos ko ang pansit sa plato ko. Pero siya, halos hindi pala niya ginalaw ang nasa plato niya. Tinawag ko ang weyter para kunin ang chit. Lapit ang weyter. Noong una’y nahihiya, pero nang hindi ko inialok, siya na rin ang nagpabalot ng pansit sa kanyang plato.
“Para sa anak ko,” alanganin ang ngiting sabi niya.
Labas na kami. Paalaman.
“Kamusta na nga pala si Ben?” ang naalalang tanong ni Oleg.
“Wala akong masyadong balita,” sabi ko. “Pero ang alam ko engineer na siya.”
“Ikaw, ano na nga pala ang tarbaho mo ngayon?” usisa ni Oleg.
Akala ko’y lusot na ako. Hindi pa pala.
“Writer ako ngayon sa isang magasin,” sabi ko. “Tungkol sa buhay-buhay ng mga simpleng tao sa lunsod, ganun.”
Natahimik.
“Kaya mo ba ako pinagkukuwento kangina?” tanong niya. “Balak mo bang isulat ang tungkol sa buhay ko?”
“Aba, oo nga ano?” kunwa’y nagulat pa ako. “O-Okey lang ba?”
Napatungo siya sa hawak na balutan. Nang iangat ang mukha ay may halong pait ang kanyang ngiti.
“Okey lang,” sabi niya. “Sanay na ako.”
Isang tango at pilit na tawa ang kanyang pagpapaalam. Tumalikod. Lumakad. Sinundan ko siya ng tingin.
Halos masira ang balutan ng pansit sa higpit ng hawak niya dito.

1 Comments:
magaling! magaling! magaling!
pang-MMK Sir Dindo. Baka kumita pa si Oleg dun.
Nakakaiyak naman 'to. Na nakakatawa. Na nakaka-bother. Na nakakagalit. Nakaka-ewan.
Post a Comment
<< Home