Thursday, September 21, 2006

KUWENTONG DYIP

Ang pagsusulat ay tulad ng pagsakay sa dyip. Minsan okey ang biyahe. Minsan, bad trip. Minsan nakakarating ka sa paroroonan. Minsan naman ay naaaksidente ka na bago pa man makapunta sa destinasyon. Kahit anong laking hirap, kapag kailangan, ay wala kang magagawa. Kailangan mong tiisin gaano man kalupit ang tulakan, sipaan, sabitan at tsansingang mangyayari.

Hindi na ako bago sa pagsakay ng dyip. At lalong hindi na ako bago sa pagsusulat. Katunayan nga’y matagal ko nang pinagkakitaan ang larangang ito. Pero tulad ng mga artis­tang nage‑enroll sa theater arts para matutong umarte, isa akong writer na bumalik sa pamantasan para matutong magsulat. I don’t want to hack my way through life, ika ko nga sa isang kaibigan habang nagsesenti kami sa harap ng holy water ni San Miguel. Kaya heto, balik uli ako. Kahit dyahi na sa mga dating klasmeyts na naging teachers ko pa ngayon.

Eniweys, hindi naman tungkol sa kapal ng aking mukha ang gusto kong ilahad dito. Gusto ko lang sanang ikuwento ang nangyari sa akin kagabi. Ayaw ko na sanang ikuwento pa, pero kung pipilitin mo pa ako nang konti, e ‘di...sige na nga!

Ang totoo niyan, wala naman talagang nangyari, tulad ng maaaring isipin ng isang tao kapag sinabihan siyang may “nangyari sa akin kagabi.” Ang “nangyari kagabi” ay mga pangyayaring naganap dahil sa natural na pagtakbo ng panahon, hindi dahil may napakahalaga, napakalungkot o napakasayang kaga­napan. Kaya pag sinabi kong may nangyari sa akin kagabi, maaar­ing ibig sabihin nito ay dyuminggel ako, o naglakad ako, o kaya nama’y naghikab ako. Ang payo ko na lamang siguro ay huwag ka na lang maghanap ng profound na mensahe sa mga sasabihin ko.

Pero hindi naman ibig sabihin nito ay walang nangyayari sa buhay ko sa depinisyong iniisip mo kapag narinig ang salitang “pangyayari.” Namatayan na rin naman ako ng ama, ng tito, ng lola. Marami na ring pag‑ibig ang namatay sa aking puso. At lalung marami na rin ang mga paniniwalang namatay sa aking isip. Ibig sabihin, hindi naman napaka‑boring ng buhay ko, na maaari mong isipin matapos malamang namumrublema ako sa kawalan ng magagawa. May excitement rin naman ang buhay ko, kahit papaano, paminsan-minsan. Ang gusto ko lamang sabihin, kahit may nangyayari sa akin araw‑araw, hindi naman araw‑araw kailangang maging importante ang mga pangyayaring ito. Ang ibig kong sabihin--- o, sige, makulit na:

Madilim kagabi. (syet!) Unang kita ko pa lamang sa ‘yo ay natawag mo na ang aking pansin. Paakyat ka sa dyip na sinasakyan ko. Suwerte, sabi ko. Lalo na dahil malaki ang espasyong malapit sa akin. Pihado, magkakatabi tayo.

Malas. Umistayl ang isang mukhang DOM na nakaupo sa kanan ko. Sa damit ay papasa nang tao, lalo na siguro kung kasama sa outfit niya ang isang maskara. Tila isang Makati executive kung suot lang ang pagbabatayan, ‘yun bang tipong pag pumasok sa Manila Hotel ay magdadala­wang‑isip muna ang mga guwardiya bago siya palabasin -- kahit na masama sa business ang pagkakaroon ng isang pagala‑galang gorilya. Sobrang askad ng mukha, parang prunes na tinubuan ng taghiyawat. Kung sa amoy naman, parang expired na Rexona.

Sumiksik ng upo sa akin ang taong‑gorilyang parang prunes na tinubuan ng taghiyawat ang mukha, siyempre gusto siya ang tabihan mo. At utu‑uto ka naman, sa kanya ka nga tumabi. Purnada, sabi ko. Gusto kong umbagin si Mr. Prunes pero minabuti kong tumahimik na lamang. Mas malaki kasi sa akin -- pero hindi ako duwag, ha? ‑‑ at maskulado pa. Sabihin na lang nating vain ako -- ayoko lang na ang mukha ko naman ang maging raisins.

Halos kasasayad pa lang ng puwet mo sa upuan ay nagbayad ka na ng pamasahe. Taga‑Angono ka pala.

Maya‑maya, dakong floodway, bumaba si Mr. Prunes. Sinaman­tala ko ang pagkakataon para tabihan ka.

Hindi pa tayo ganap na nagkakalapit, amuy na amoy ko na ang pabango mo. Hindi ko lang naamoy kangina dahil tinalo ito ng sangsang ng taong‑gorilya.

May binabasa ka. The Name of the Rose ni Umberto Eco. Bilib ako. Ngayon lang kasi ako nakakita ng isang magandang babaeng binabasa si Umberto Eco sa loob ng dyip na biyaheng Binangonan. Maniwala ka, talagang maganda ka.

“Maganda ‘yan,”simula ko ng diskarte. “Lalo na ang ending.”

Tiningnan mo ako nang masama, parang nagbabanta: huwag mong sasabihin!

“Si Abbot ang may pakana ng lahat ng patayan eh,” sabi kong may pagmamayabang.

Sobra lamang siguro ako sa pagpapanood ng mga Tagalog movies kaya ibang‑iba ang inaasahan ko kaysa sa tunay mong ginawa. Akala ko kasi, aawayin mo ako. Pag inaway mo ako, magpapaliwanag naman ako. Pag nagpaliwanag na ako, magkakabati tayo. Siyempre makikipagkilala ako. At dahil guwapo naman ako, ibibigay mo naman ang pangalan mo. Tapos, maya‑maya, kapag bababa ka na, bababa na rin ako para ihatid ka. Siyempre, malalaman ko ang bahay n’yo. Itatanong ko na ang iyong telepono na madali mo namang ibibigay dahil charming ako. At sa Linggo, babalik ako sa inyo, may dalang flowers at chocolate--- baduy pero epektibo.

Pero iba nga ang iyong ginawa. Hinding‑hindi ko inaasahan dahil hindi ko kailanman napanood sa mga pelikula ni Ate Sharon.

Itinapon mo sa bintana ang libro.

“Bakit mo itinapon?” gulat na tanong ko.

“Ang kapal ng mukha mo eh,” galit ka. “Bakit mo sinabi ang ending!”

“Nanloloko lang ako,” sabi ko. “Ang totoo n’yan...”

“Para!”

Tumigil ang dyip at nagmamadali kang bumaba.

“Miss, saan ka pupunta?” tanong ko. Sa Angono pa bababa ‘yun a!

Hindi mo na ako sinagot. Nagmadali akong magbayad.

“Mama bayad,” sabay abot ng beinte pesos. “Dito lang.”

“Wala ka bang otso?” tanong ng driver.

“Wala.”

“Ba’t hindi ka pa kangina nagbayad?” inis na sabi ng driver. “Magtatampuhan lang kayo ng siyota mo, nang‑abala ka pa.”

Fuck you!

Medyo malayo ka na pero amoy na amoy ko pa rin ang pabango mo. Binalikan mo pala ang itinapon mong libro. Magsosori talaga ako sa iyo. May mga nakahanda na akong linya sa mga ganitong pagka­kataon. Matagal ko ring pinagpraktisan sa harap ng salamin. Makaluma, pero epektibo.

Pero teka, may kulang yata sa akin. Noon ko lang nahalata na wala na pala akong dala. Naiwan ko ang aking bag sa dyip, na ngayo’y hindi na abot ng aking tanaw. Ibig sabihin, wala akong pera. Buong tapang kong ibinato sa driver ang sukli kong barya, dala na rin ng aking pagkaasar. Siyempre (dahil nga vain ako) siniguro ko muna kung mas malaki ako sa kanya.

Ngayo’y kailangan kitang maabutan. Kailangan na kitang kilalanin, kaibiganin at paibigin. Hindi na lang ako basta nabibighani sa iyong kagandahan. Kailangan pa kita para ako makauwi. Pautang!

Kailangan kitang maabutan. Kailangan kitang makaibigan habang nasa daan pa lamang tayo. Kapag sa dyip ko ito ginawa, baka akalain ng mga taong binabastos kita. Baka may mga gentle­man na mabighani rin sa iyo, at ipagtanggol ka sa mga bastos na katulad ko. Kailangang abutan kita. Paspas. Takbo.

Dumating ang isang dyip. Kumaway ka, at alam kong hindi ito sa akin nakaukol. Tumigil ang dyip. Sumakay ka.

Lagot. Hindi na kita makakaibigan sa daan. Pero wala na akong magagawa. Sa dyip na lamang tayo mag‑usap!

Kumaway rin ako. Pakanan at pakaliwang pinaikot ng driver ang kanyang palad. Walang bakante. Itinaas ko ang aking kamao. Sabit. Umiling ang driver. Hindi pwede ang sabit.

Sumibad ang dyip sa aking harapan, sakay ka. Masikip na nga sa loob, hindi na kita nakita.

Napabuntung-hininga ako. Wala ka na. Tinabunan ng maitim na usok ang amoy ng iyong pabango.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home