Wednesday, April 17, 2013

ANG KAGILA-GILALAS NA LUTO NG DIYOS


ANG KAGILA-GILALAS NA LUTO NG DIYOS
ni Dindo Perez




MGA TAUHAN:

DIYOS           
Isang lalaking batay sa itsura ay may tatlum-pung taong gulang na. Siya ang gumawa ng langit at lupang alam natin.

UBERTINO
Humigit-kumulang apatnapung taong gulang. Isang tanyag na pari noong nabubuhay.   Ngayo’y isa  nang utusan ng Diyos bilang  tagagawa at tagahatid ng mga panaginip sa lupa.



TAGPUAN:

Isang opisina.  Magulo ang pagkakaayos, halatang matagal nang hindi nalilinis.   May isang magandang mesa na magulo rin, natatambakan ng mga patung-patong na papeles.  Nasa ibabaw nito ang isang control panel ng intercom.  Sa isang sulok ng mesa nakapatong ang isang bote ng mamahaling alak, kalapit ng isang magandang baso, isang kaha ng sigarilyo at ash tray.  Nakakabit sa dinding ang isang orasang walang kamay.

PANAHON:
Walang hanggan.


(Mangyayari ang dula sa opisina ni Diyos.  Balisa ang mukha, nakaupo si Diyos habang binabasa ang mga ulat ng iba’t ibang departamento na naipon nang siya ay umalis.  Magsisindi siya ng sigarilyo.  Pasipsip-sipsip lamang siya ng alak sa una.  Kalaunan sa kanyang pagbabasa, papalakas nang papalakas ang kanyang pag-inom, hanggang halos isang lagok na lamang kung tunggain niya ang laman ng isang baso.  Muli niyang pupunuin ang baso sa bawat pagkaubos ng laman nito.  May pipinduting button ng intercom at kakausapin ang sekretarya sa pamamagitan nito.)

DIYOS:
Paparituhin mo si Ubertino.  Sabihin mong may mahalaga kaming pag-uusapan.

(Sasandal sa kanyang upuan.  Gagawa ng mga smoke rings habang naghihintay.  Magsasalin muli ng alak sa kanyang baso at tutunggain ito nang isang lagok.  Magsasalin uli. Ilalapag sa ash tray ang sigarilyo at magi-spray ng breath freshener sa bunganga. Papasok na si Ubertino.)

UBERTINO:
(kinakabahan)  Sir, magandang...(titingin sa orasan at mapapakamot ng ulo) magandang...

DIYOS:
Magandang ano, Ubertino? (tatawa.  tatayo at lalapit kay Ubertino) Bakit kailangan mo pang abalahin ang iyong sarili sa pag-alam ng oras? Ang araw at gabi ay para lamang sa lupa.  Hanggang ngayon ba naman ay hindi ka pa sanay sa walang hanggang panahon dito sa langit?  (Titigil) Halika nga dito sa tabi ko. (Tatangkaing hawakan ang kamay ni Ubertino ngunit iiwas naman si Ubertino)

UBERTINO:
(kunwa’y hindi napansin) Nasanay na po kasi akong bilangin ang panahon ayon sa oras, na siyang magiging araw, at taon...

DIYOS:
(inis) Puwes magsanay ka.  Kagaya nga ng sinabi ko, ang panahon dito sa langit ay walang hanggan. 

UBERTINO:
Nagtataka lamang po ako, Panginoon.  Kung ang panahon ay walang hanggan, kahit ang isang segundo ay hindi kailanman matatapos.  Kung gayon, ang kawalang-hanggan ng panahon ay nangangahulugan ng kawalan ng panahon, hindi po ba?

DIYOS:
Hindi ka pa man ganap na pari ay kinatatakutan na ng marami ang iyong katalinuhan, Ubertino.  Hindi naman nagkamali ang sapantaha ng lahat ng nakakilala sa iyo, hindi ba?  Maging ang Papa sa Roma ay pinasakit mo ang ulo.  Pero sa akala mo ba’y hindi nakarating dito sa langit ang iyong kasikatan...(bubugahan ng usok ang mukha ni Ubertino. parang gustong mapaubo ni Ubertino ngunit magpipigil ito) ...kaya’t minabuti mo pang magyabang sa aking harapan?  Alam mo ang sagot sa iyong tanong, hangal.  Ngunit sige, kung papuri ang iyong nais ay sino naman ako para tumanggi?  Pagbibigyan kita: Tunay ngang matalas ang iyong pag-iisip!

UBERTINO:
(napapahiya)  Naku, salamat po!

DIYOS:
At para saan ka nagpapasalamat -- para ba sa pagpuri ko sa iyong talino o sa pagbibigay ko sa iyo ng talinong pinuri ko?

UBERTINO:
N-naku, patawarin n’yo po ako sa aking kayabangan.  Ang ibig ko lamang pong sabihin ay...marami pong salamat sa pagpuri ninyo sa inyong sarili.

DIYOS:
Nang-aasar ka ba?

UBERTINO:
Naku! hindi po!  Ang ibig ko pong sabihin ay salamat sa pagpuri ninyo sa aking talinong kayo rin naman ang nagbigay.

DIYOS:
Puwede ba, Ubertino...!

(Itutulak ni Diyos si Ubertino na siyang ikababagsak nito. Inis na inis si Diyos. Habang pabalik ng upuan ay ire-recite niya ang mantrang OM para pakalmahin ang sarili.  Magsasalin siya ng alak.  Mantra uli.  Tutunggain niya ang laman ng baso sa isang lagok.  Mantra uli.  Maya-maya’y kalmado na.  Magsasalin muli ng alak at haharapin ang bumabangong si Ubertino)

DIYOS:
Pwede ba, Ubertino...(naghahanap ng sasabihin) puwede ba huwag mo akong popoin!  Tingnan mo nga ‘yang sarili mo, ab’e mas matanda ka pa sa akin!

UBERTINO:
Ngunit kayo po ang lumalang sa akin?  Samakatwid po, kayo ang mas matanda. 

DIYOS:
Pero mas matanda ka pa rin.

UBERTINO:
Paano pong mangyayari ‘yon?

DIYOS:
(mayabang) Dahil ang lahat ng katangian ko’y walang hanggan.  Kaya’t walang hanggan ang aking kabataan.

UBERTINO:
Ngunit mas matanda po kayo sa akin, kaya’t dapat ay wala ring hanggan ang inyong katandaan.

DIYOS:
Nakakita ka na ba ng Diyos na tumatanda?

UBERTINO:
Hindi pa po.

DIYOS:
Kung ganoon, itigil mo na ang pagtatanong at...

(Muling lalapitan ni Diyos si Ubertino, nang-aakit.  Lalayo naman si Ubertino)

UBERTINO:
(iibahin ang usapan) May isa pong mortal na nakapasok dito.

DIYOS:
(inis) Oo, alam ko. Nasaan na nga ba siya?

(Maghahalungkat si Diyos sa mga papeles sa mesa.  Kukunin niya ang isang dokumento at babasahin ito)

UBERTINO:
Pinabalik na po sa lupa.  Hindi naman po niya kasalanan ang pagpunta rito.  N-nagamit lang po niya ang mga bakas ng panaginip na ipinadala ko sa lupa.  Kaya po akala niya, panaginip pa rin ang lahat ng nangyari sa kanya dito sa langit.

DIYOS:
(galit) Bakit ka nag-iwan ng mga bakas?

UBERTINO:
(takot) Hindi ko po iniwan.  Humagis po mula sa sasakyan sa aking pagmamadaling dalhin ang mga panaginip sa lupa. 

DIYOS:
Ubertino, hindi naman bawal ang pumunta dito sa langit.  Ang kailangan nga lamang ay una, mabuti kang tao, at pangalawa, dapat patay ka na.  Ang taong pumunta rito-- Ano’ng pangalan n’ya?...

UBERTINO:
Alex po.

DIYOS:
...Ang Alex na iyon ay hindi mabuti.  At lalong hindi pa patay.  Ngayon, maaari nating gawan ng paraan ang hindi niya pagiging mabuti.  Kategorya lang naman ang mabuti at masama.  Pero ang pagkakapunta ng isang buhay na tao dito sa langit... isang malaking insulto sa akin ‘yan!  Tiyak na pagtatawanan na naman ako ng aking mga kaibigan.

UBERTINO:
May kaibigan po kayo?

DIYOS:
Oo. Katunaya’y galing ako sa isang bakasyon kasama sila kaya’t matagal akong nawala.

UBERTINO:
Siguro po’y mga anghel sila, ano po?

DIYOS:
Hindi.  Hindi sila anghel.  Ang totoo’y wala namang katawagan sa kanila dahil hindi ko naman sila kailangang bigyan ng pangalan.  (muling magsasalin ng alak) Ang mga tao lang naman ang mahilig magbigay ng pangalan sa mga bagay.  Madali kasi kayong malito.  Kaya kailangan ninyo ang mga pangalan para madaling matandaan kung halaman ba o hayop, halimbawa, ang isang bagay.  Kung hayop, ano’ng klaseng hayop?  Pusa ba, aso, kalabaw?  Kung aso, anong pangalan?  Blackie, Whity, Browny?  Masyado na ngang partikular ay nagkakalituhan pa kung minsan: si Blackie Senior ba, Blackie Junior o Blackie the Third? 

UBERTINO:
Tatawagin ko na lamang po silang mga Kaibigan ng Diyos.

DIYOS:
Tao ka na nga ay baduy ka pa.  Buweno, bahala ka kung ikababawas ng pagkalito mo.  Pero makinig ka, sa iyo ko lamang sasabihin ito.  Binigyan ko silang mga...Kaibigan ng Diyos...ng malawak na kapangyarihan at talino para kahit papaano’y makasabay naman sila sa akin.  Pero alam mo, mukhang sumobra yata ang kapangyarihang ipinagkaloob ko sa kanila.  (titigil)  Alam mo bang ako ngayon ang tampulan ng kanilang mga pang-aasar?  Masyado raw magulo ang mundong aking ginawa.  Hindi raw ako marunong gumawa ng mundo, sabi nila.  Ipinakita pa nila sa akin kung ano ang kaugnayan ng giyera sa Bosnia at ang pagtubo ng isang wisdom tooth sa gilagid ni Solomon, ang anak ni David.

UBERTINO:
Paano pong naging magkaugnay ang dalawa ‘yon?

DIYOS:
Hindi ko masyadong inintindi ang kanilang paliwanag.  Ang totoo’y asar na asar na ako nang mga oras na iyon.  Ang isang pangyayari ay nagbubunsod ng isa pa, at isa pa, at isa pa, at isa pa, ang narinig kong sabi nila.  Maliit man o malaki, ang lahat ng pangyayari ay may kaugnayan sa isa’t isa.  (sandaling mag-iisip) At dahil ako raw ang Diyos, dapat ay alam ko ang mangyayari bunga ng aking mga desisyon. Kung hindi ko raw pinatubuan ng wisdom tooth si Solomon, hindi raw mangyayari ang giyera sa Bosnia, iba raw ang presidente ng Microsoft Corporation, mas maigsi raw ang Cold War, hindi masasagasaan ng dyip ang isang cigarette vendor noong nakaraang bagong taon, at hindi mababagok sa daan ang kotseng sinasakyan ng isang babaeng nagngangalang Anita Reyes habang naglalagay siya ng eyeliner -- na naging dahilan ng kanyang pagkabulag.

UBERTINO:
Ikinalulungkot ko pong kayo pala’y mapagtatawanan.  Inihahanda ko po ang aking sarili sa anumang kaparusahang nais ninyong igawad sa akin.

DIYOS:
(iiling) Hindi na.  Kung ang tao nga’y nagpapatawad, dapat ay ako rin, hindi ba?  Papabayaan ko na lamang na asarin ako ng aking mga kaibigan.  Kasalanan ko rin naman ang lahat, kung papaniwalaan mo ang sinasabi nila.  Hindi raw mangyayari ang kahit na anong bagay kung hindi ko ito gugustuhin. Isa pa, lalo lamang akong magiging katawa-tawa kung paparusahan kita.  Para ko na ring inaming hindi ko nga alam na magkakamali ka sa iyong pagmamadali.  At...isa pa, alam mo namang hindi kita maaaring parusahan.

(Muling lalapit si Diyos kay Ubertino at yayakapin ito.  Kakawala naman si Ubertino)

UBERTINO:
(kunwa’y walang nangyari) Bakit po, t-talaga po bang hindi ninyo alam na mangyayari pala ito? 

DIYOS:
Hindi.  Paano kong malalaman ‘yon? 

(Tutunggain ni Diyos ang laman ng kanyang baso at muling magsasalin ng alak)

UBERTINO:
Hindi totoo ‘yan, Panginoon.  Alam kong alam ninyo!

(Matagal na katahimikan.  Palaguk-lagok lamang ng alak si Diyos, habang nakatingin nakatingin naman sa kanya si Ubertino, na naghihintay ng sagot na gusto nitong marinig.  Makukulitan na rin si Diyos)

DIYOS:
(inis) Oo na, oo na!  Alam kong mangyayari ang lahat ng ito.  O, ano, kulang pa ba?  Dadagdagan ko.  Alam ko ang lahat ng kasawian at tagumpay na daranasin ng isang tao bago pa man siya isilang, bago pa man isilang ang kanyang mga ninuno...bago ko pa man gawin ang mundo.  (lalapit kay Ubertino)  Hindi ko pa man nagagawa ang liwanag ay kilala na kita Ubertino, alam ko na ang mangyayari sa iyo, alam na alam ko kung kailan ka ipapanganak at kailan ka mamamatay.  Maging ang mga pinakamaliit na bagay tungkol sa iyo ay alam ko, kung kailan ka iihi, dudura, dudumi.  Kung magkakamot ka ba ng ulo, ng batok, ng ari.  Alam ko kung ano ang gagawin mo bago mo pa man isipin, bago ka pa man magkaisip.  (titigil) Bago ka pa man isilang ay alam ko nang magkakasala ka tuwing papasok ka sa kubeta. 

(Mapapatungo sa hiya si Ubertino.  Mapapahalakhak si Diyos)

DIYOS:
Alam kong mangyayari ang lahat ng alam ko, lahat ng iniisip ko.  Ang pagbabago ng mga pangyayari ay kasindali lamang ng pagbabago ng aking isip.  At bakit nga ba nagbabago ang aking isip?  Wala lang.  Basta gusto ko lang. (muling magsasalin ng alak si Diyos at tutunggain ito.  waring may maaalala.  biglang lulungkot ang tono) Maraming bagay akong alam.  Maraming bagay akong nais kalimutan.  Ngunit hindi ko magawa dahil walang hanggan ang aking memorya.

UBERTINO:
Bakit hindi n’yo po subukan.  Kaya ninyong gawin ang lahat ng bagay, hindi ba?

DIYOS:
Walang hanggan ang aking kapangyarihan.  Lahat ng bagay ay kaya ko.  Lahat ng bagay ay alam ko.  Ngunit ito rin ang dahilan kung bakit hindi ko alam kung paano gagawin ang maraming bagay.  Hindi ko alam kung paano makakalimot, hindi ko alam kung...paano magpakamatay. (titigil) Kaya ko bang gawin ang lahat ng bagay?  Buti pa kayong mga nilalang ko.  Siguradong-sigurado sa aking kakayahan, buung-buo ang paniniwala sa akin na siyang gumawa ng lahat.  (titigil)  Alam n’yo bang masuwerte kayo?  Ang inyong isip ay payapa.  Walang iniintindi kundi ang pagtuklas kung ano ba ang plano ko para sa inyo.  At kung hindi n’yo man matuklasan, ayos lang, hindi ba?  Basta’t ipagkatiwala n’yo lang sa akin ang inyong buhay ay ayos na kayo, wala na kayong dapat problemahin.  (ngingiti) Bukod kayong pinagpalang mga walang alam.  Bukod ko kayong pinagpala.  (titigil) Nakakatawa, hindi ba?  Pati ang pagtubo ng ngipin ay sa akin pa nakaasa. 

(Kukuha ng isang dokumento si Diyos pagalit itong ihahagis.  Marahas niyang papalisin ang mga nakapatong sa kanyang mesa.  Maya-maya’y payapa nang uupo at muling kakausapin si Ubertino)

DIYOS:
Hindi ka pa nakakakita ng Diyos na tumatanda.  Pero ngayon, baka makakita ka na ng Diyos na sira-ulo.

UBERTINO:
A-at lasing?

DIYOS:
Dahil ako’y malungkot.

UBERTINO:
Nalulungkot din pala kayo.

DIYOS:
Lagi.  Hindi lang minsan.

UBERTINO:
Nagbabasa po ako kapag ako’y nalulungkot.  O kaya’y nag-iisip.  Marami pong tanong ang nasagot ng pilosopiya. 

DIYOS:
Alam ko na ang lahat, ano pa ang aking babasahin?  At hindi mo ba alam na ang lahat ng pilosopiya ay tungkol sa akin?  Kahit na iyong mga pilosopiyang itinatakwil ang Diyos, Diyos pa rin ang pundasyon ng sinasabi n’yan.  Hindi mo pa ba nababasa ang mga sinulat ni Derrida?

UBERTINO:
Hindi...hindi ko po siya inabutan.  Si Thomas Aquinas ang sikat na pilosopo noong ako ay mamatay.

(Pipigilin ni Diyos ang pagtawa, pero matatawa pa rin)

UBERTINO:
(babawi dahil sa pagkapahiya) P-pero kahit po alam ko na kung ano ang laman ng isang aklat ay binabasa ko pa rin.  Minsan nga po’y binabasa ko pa kahit ilang ulit ko nang nabasa.

DIYOS:
Teka, magkaliwanagan nga tayo.  Sa akala mo ba’y ayaw kong magbasa?  Sa akala mo ba’y hindi ko kailanman ninais na matuto mula sa iba?  (kukuha ng isang dokumento at iwawagayway ito kay Ubertino)  Hindi mo pa rin ba maintindihan, Ubertino?  Hindi pa man nasusulat ang dokumentong ito ay alam ko na ang kanyang lalamanin.  Hindi ka pa man ipinapanganak ay alam ko na ang magiging sagot mo sa mga itinanong ko sa iyo kangina.  Lahat ng ito’y ay kalokohan, ang lahat ng ito ay paglalaro.  Pagkukunwaring mayroon akong hindi alam.  Upang sa gayon, kahit sa pagpapanggap ay magkaroon ako ng katahimikan.  Paglalaro, Ubertino.  Tulad ng pagtatanong ko sa iyo kung hindi mo pa rin ba maintindihan gayung alam ko na naman ang sagot!  (titigil)   Para akong aktor sa isang dulang hindi ko naman alam ang istorya.  Alam ko ang iskrip, pero hindi ko alam kung bakit.  Basta’t alam ko ang lahat ng aking gagawin, sasabihin, iisipin.  Bago pa man ako mag-isip, Ubertino, ay alam ko nang ako’y mag-iisip, at lalong alam ko na ang aking iisipin.  Ha! Hindi ko na kailangang mag-isip para ako’y makapag-isip!  Wala akong kontrol, wala akong kayang baguhin.  Kailangan kong sumunod sa agos, sa takbo.  Kailangan kong sundin kung ano ang nasa aking isip, kung alin ang aking gusto.  (titigil)  Hindi ba nakakatawa?  Ako ang gumawa ng lahat pero hindi ko rin naman alam kung bakit -- basta gusto ko lang.  Basta...gusto ko lang.  (titigil)  Gumawa ako ng mundo dahil gusto ko lang. Milyun-milyong bata ang namatay sa giyera, sakit, gutom...dahil gusto ko lang.  Sa mga sandaling ito, hindi na mabilang ang mga kaluluwang sinusunog sa impyerno dahil wala, gusto ko lang.  (malungkot) Basta gusto ko lang, Ubertino.  (pagalit) Ngayon, itanong mo nga sa sarili mo: Katwiran ba naman ‘yan ng isang matinong Diyos?   (titigil)   Hindi lamang kayo ang aking alipin, Ubertino.  Ako man ay alipin ng aking sarili. 

(Pagalit na ihahagis ni Diyos ang baso at tutungga mula sa bote.  Muling magsisindi ng sigarilyo.  Mukhang lasing na siya)

UBERTINO:
Lasing na po kayo.

DIYOS:
Mabuti kang tao, Ubertino.  Bakit ka ba nagpakabait?  Ano ba ang gusto mong kapalit?  Gusto mo bang maging Diyos?  Sige, ikaw na lang! 

(Kukunin ni Ubertino ang baso at ibabalik sa mesa ni Diyos.  Tatangkaing kunin ni Ubertino ang bote ng alak kay Diyos, pero tatabigin siya nito)

DIYOS:
Sawang-sawa na ako.  Asar na asar na ako.  Ah! gusto kong maging tao, Ubertino.  Gusto kong maging katulad mo.  Gusto kong magpahinga, gusto kong matulog, para isang gabi ay dadalawin mo ako, kasama ng iyong mga panaginip.  At sasaya ako, mahihiwagaan sa ganda ng mundo, ng panaginip na iyong ginawa.  (titigil) Gusto kong umibig, gusto kong magutom, gusto kong masaktan!

UBERTINO:
Hindi po puwede ‘yon.  Diyos po kayo.

(Itutulak ni Diyos ang ang mesa at babagsak ito)

DIYOS:
Ayoko nang maging Diyos.  Gusto kong makalimot.

UBERTINO:
Walang pong hanggan ang inyong isip.

DIYOS:
Gusto ka nang matahimik.  Gusto ko nang mamatay.

UBERTINO:
Wala pong hanggan ang inyong buhay.

DIYOS:
(paiyak) Alam ko!

(Mapapaluhod si Diyos at hahagulgol ng iiyak.  Lalapitan siya ni  Ubertino  at hahagud-hagurin sa likod para kumalma.  Buong pagmamahal na hahagurin ni Ubertino ang pisngi at buhok ni Diyos.  Pero maya-maya’y maaalangan siya.  Iiwas siya ng tingin kay Diyos)

DIYOS:
(kalmado) Walang kahulugan ang aking buhay, Ubertino.

UBERTINO:
Hindi totoo ‘yan, Panginoon.

DIYOS:
Totoo ang sinasabi ko, peks man.  Hindi nagsisinungaling ang Diyos.

UBERTINO:
Kaya n’yong gawin ang lahat.  Bakit hindi n’yo likhain ang sarili ninyong kaligayahan?

DIYOS:
Nasasabi mo lamang ‘yan dahil wala ka sa katayuan ko, dahil hindi ka ako.  Hindi mo alam kung gaano kalungkot ang pag-iisa.  (titigil)   Nagawa mo na bang makipag-usap, makipag-iyakan sa repleksyon mo sa harap ng salamin? Katangahan iyon, hindi ba?  Bakit mo kakausapin ang salamin gayong alam mo namang nakasunod lamang ito sa lahat ng sasabihin at gagawin mo?  Ganuon ang ginagawa ko ngayon, Ubertino.  Kinakausap kita pero alam ko na ang lahat ng sasabihin mo.  Wala ka nang magagawa kundi gawin ang kung anong alam kong gagawin mo.  Pero kinakausap pa rin kita, Ubertino. Hindi ba isang katangahan ito?  Ha! maging ang pagsasabi kong ang lahat ng ito ay katangahan ay isa rin mismong katangahan!  (muling hahagulgol ng iyak)   Katangahan ang lahat, Ubertino.  (titigil) Tulad ng pagmamahal ko sa iyo. 

UBERTINO:
(iiwas) Magpahinga na kayo, Panginoon.

DIYOS:
(hahawakan si Ubertino) Mahal kita, Ubertino.

UBERTINO:
(aalis sa hawak ni Diyos) Mahal n’yo po ang lahat ng inyong nilikha.

DIYOS:
Mahal kita.

(Tatangkaing halikan ni Diyos si Ubertino pero iiwas ito)

UBERTINO:
(galit) Tumigil na kayo!  Bakit n’yo ba ginugulo ang pananahimik ng aking isipan..ng aking damdamin?

DIYOS:
Hindi ko alam!  Hindi ko alam.  S-siguro’y nalulungkot lamang ako sa pag-iisa.  At ang pagpapaintindi ng sarili ay paghahanap ng kasama.  (titigil) N-nais kitang maging kasama, Ubertino.  Wala nang halaga ang lahat.  Ikaw na lamang.  Mahal kita, Ubertino.  Gusto kong maging tao.  Bayaan mong mahalin kita tulad ng isang tao.  Magmahalan tayo, Ubertino. 

UBERTINO:
Hindi maaari, Panginoon.

DIYOS:
Bakit hindi?  Maaari sa akin ang lahat.  Kaya kong gawin ang lahat, hindi ba?

UBERTINO:
Panginoon, huwag sanang pulos sarili n’yo lang ang inyong iniisip.  Paano na kaming mga nilikha mo?  Paano na ako?  Mula pagkabata’y sinamba ko na kayo, pinaglingkuran ko na kayo.  Katakut-takot na hirap ang aking dinanas upang maipakalat ang inyong aral.  Para saan ang lahat ng aking paghihirap, Panginoon?  Ano na ang kahulugan ng aking buhay kung ang sa inyo mismo ay wala.

DIYOS:
Ngunit mayroon nang kahulugan ang aking buhay, Ubertino.  Ikaw.

UBERTINO:
Mayroon nga ang sa inyo’y mawawala naman ang sa akin.

DIYOS:
At bakit mawawala?  Ikaw ang kahulugan ng buhay ko. Samantalang ako naman ang sa iyo.

UBERTINO:
Hindi ko kailangan ng asawa.  Ang kailangan ko ay isang Diyos.

DIYOS:
Mahal kita.

UBERTINO:
Hindi totoo ‘yan.  Hindi n’yo ako mahal.

DIYOS:
Mahal ko ang lahat ng aking nilikha.

UBERTINO:
(papaiyak) Hindi ko kayo mahal.

DIYOS:
Mahal mo ako.

UBERTINO:
At paano n’yo nalaman?

DIYOS:
(ngingiti) Alam ko ang lahat.

(Si Ubertino naman ang hahagulgol ng iyak.  Lalapitan ni Diyos si Ubertino at hahalikan nito sa labi si Ubertino.  Sa una’y tututol, papalag si Ubertino.  Pero maya-maya’y gumaganti na rin ng halik.  Marubdob ang kanilang pagyayakapan.  Maya-maya’y magbibitiw, kapwa humihingal)

UBERTINO:
Ikaw ang gumawa sa akin.  Ako ang aktor na gumaganap sa dula ng aking buhay na inyong sinulat.  Mayroon din kayang gumawa sa inyo, na nagdidikta kung ano kayo, na nagbibigay ng kahulugan sa inyong buhay?

DIYOS:
Siguro.  Sa kundisyon ko ngayon, siguro kahit ano ay handa ko nang paniwalaan.

UBERTINO:
Mayroon nga kayang gumawa sa iyo... Panginoon?

DIYOS:
Hindi ko alam.  Alam ko, naganap ang usapang ito para maintindihan mo ako.  Ano nga bang malay natin?  Baka nga may lumikha sa akin, at ginamit naman  niya  ang tagpong ito  para siya naman ang maintindihan ko. Marahil gusto rin niyang magpakilala sa akin, Ubertino.  Dahil nalulungkot siya?  O baka naman mayroon pang lumikha sa kanya na gusto ring makipagkilala.  Pero,  papaano ko malalaman kung alin ang totoo?  (titigil) Basta’t ang alam ko ay gusto kong maniwala, Ubertino.  Dahil kailangan ko ng papaniwalaan.  Kailangan kong maniwala, para hindi mawala ang aking katinuan.  (mag-iisip) May lumikha nga ba sa akin?  (nakangiting yayakapin si Ubertino)   Paano ko malalaman ‘yon? Diyos lamang ako.

(Maghahalikan.  Didilim)




(note: Sinulat ko ito taong 1996, para sa playwrighting class ni Rene Villanueva. Natuwa dito si Rene at binigyan ako ng grade na 1.0)

Tuesday, April 09, 2013

KUNG BAKIT DUMAAN NA ANG PASKO'Y WALA PA SIYA SA SABSABAN


Ang puta n'yang ina'y binigyan ng lover,
Maliit na kahong panlagay sa drawer.
Kinuha ang kahon, tumuloy sa river
'Hinagis ang batang sinungkit ng hanger.

Tuesday, February 13, 2007

AWIT NI ICARUS

Isa kang bituin
na makikita ko lang
pag maayos ang panahon.
Maraming kundisyon.
Kailangan pa nating itanong
kung uulan ba
o kung may okasyon
tulad ng pasko at
bagong taon,
kung araw ba ng mga puso
o araw ng patay,
kung mahal na araw ba
o Linggo ng pagkabuhay.
Kung iba lang sana ang sitwasyon,
kasama mo akong pumapailanlang
lampas sa mga ulap
kapiling ng buwan
Habang nilalait natin
at pinagtatawanan
ang daigdig
na nanliliit
sa ating paningin.
Hindi sana kailangang itago ng ulap
ang ating pag-ibig.
Siguro’y nangawit na ang aking leeg
sa pagtingala
At marahil ikaw man ay napagod na rin
sa kakahintay ng aking paglipad.
Ngunit ganunpaman,
hindi pa rin ako pagod na mangarap.
Kailangan ko lamang magpahinga
at payabungin ang aking mga pakpak.
Mahina ako ngayon
ngunit darating din ang gabing
ikakampay ko sila papunta sa yo.
Aabutin kita.

Malungkot lamang ang gabing tinatanaw kita
mula sa malayo.

Monday, September 25, 2006

NENENG

Halina! Halina! Sinisiklot ng bukang-liwayway ang nagtatagong dilim. Winawasak nito ang kalituhang sumakop sa ating bayan nang minsan ay naisipang matulog ng araw.

Tulad ng dati, wala pang alam si Neneng sa nangyayari. Saan daw ibinaon ang tatay niya? Ewan. Basta’t hanggang ngayon daw ay hindi pa lumalabas. Patay na kaya ‘yon?

Aling Tale! Huy! Nakita n’yo daw ba si Julian? Ewan daw, Neneng. Buti pa kaya e matulog ka na lamang at bukas na maghanap sa tatay mo. Gabi na e.

Nakakaawa naman si Neneng. Biruin mo, isang linggo nang naghahanap sa tatay niya, ni hindi naman niya alam kung bakit niya hinahanap.

E ano nga bang palagay mo kung bakit niya hinahanap?

E ayon nga sa sabi-sabi, tila nawawala raw.

Nawawala lang e hahanapin na?

Ewan.

Halina! Halina! Sinisiklot ng tag-init ang nanlalamig na puso ng kawalan. Hindi nga ba’t nang mawala ang tatay ni Neneng ay nawala na rin ang nanay niya?

Bakit nga ba?

E kasi nga mag-asawa sila?

Tapos?

E di magkasama sila nang tangayin si Julian.

E sino nga ba ang tumangay kay Julian.

Siguro ‘yun ding nagbaon sa kanya.

Huy! Aling Tale! Nakita n’yo raw ba si Julian?

Neneng, hindi pa rin daw nakita e.

Mabuti pa siguro umuwi ka na. Bukas mo na lamang hanapin. Baka bukas makita na siya ni Aling Tale.

Halina! Halina! Bakit kinain ng liwanag ang kawalan? Bakit hindi makita ang dilim gayong lumiwanag na nga? Mas lalo bang lumabo ang ating paningin dahil sa liwanag?

Saan nga kaya napunta si Julian?

Ibinaon nga daw.

Saan?

Sa lupa.

E ‘di ba hindi pa naman siya patay? Bakit naman siya ibabaon?

E kasi nga, ibinaon siya nang buhay.

E babalik pa daw ba?

Ewan ko. Wala namang pasabi si Julian e.

Halina! Halina! Kumakalat ang liwanag. Sumasabog ang kanyang binhi sa sakop ng dilim. Lumalaki ang liwanag habang ang dilim ay kanyang kinakain.

Sana bumalik na si Julian.

Hindi na babalik ‘yon.

Bakit?

Wala na siyang babalikan. Wala na rin si Neneng.

Thursday, September 21, 2006

SEDUKSYON

Inakit ng pluma
ang blangkong papel
Dinumihan
ang ka-inosentehan nito
ng mga bugtong,
awit, tanaga at tugma
Mga pinagtagpi-tagping pangako
at talinhaga
Kasabay ng mga impit na daing
at ungol ng pag-ibig,
mga hiyaw
at bulong ng pagsilakbo,
mga taludtod
at halinghing ng pagnanasa.
Matapos ang isang gabi ng tula,
iniwan ng pluma ang papel,
punung-puno
ng walang lamang salita.

OLEG

HINDI PA RIN NAGBABAGO SI OLEG. Kimi. Tahimik. Hindi nagsasabi kung ano ang nasa loob. Ang ipinagkaiba lang, mas lalo siyang pumayat. Halatang mahiyain pa rin sa pagtanggap ng sustansiya sa katawan. Maitim pa rin siya. Mukha pa ring ita, sabi ko, na hindi naman niya ikinagalit. “Sanay na ako,” ang pamilyar na dayalog niya kapag siya’y pinipintasanan.

Olegario Jones ang buo niyang pangalan. Masagwang kumbina­syon ng pangalan at apelyido, pero sa tingin namin noon ay ayos na ayos lang, nagpapakita ng kanyang pagkatao. Kung baga kasi sa tsokolate, pinaghalo siyang lokal at imported, anak ng isang Amerikanong negro sa isang putatsing na Pilipina. Nang magbuntis ang Pinay, hindi na siyempre pwedeng rumampa sa catwalk ng mga puta. Doon na nga napadpad sa baryo namin sa paghahanap ng kapalaran.

Grade 5 kami nang maka‑klase namin si Oleg. Unang bungad pa lang niya sa silid, inulan agad siya ng tukso. Uling daw, sunog, puwit ng kaldero. Ang itim kasi ng balat. Akala nga namin ay ita. Hindi naman niya pinapansin ang mga panunukso sa kanya. Nakatungo lang siya, walang ekspresyon ang mukha.

Ang unang problema niya ay ang upuan. Walang gustong magpatabi sa kanya kaya’t antagal niyang nakatayo kahit marami pang bakante. Pagdating ng adviser naming si Ma’am Lourdes ay saka lamang kami natahimik ng panunukso sa kanya. Pinapuwesto siya sa may unahan. Mula noon, naging karaniwan nang tanawin sa klase ang paghawak-hawak niya sa ulo dahil sa tama ng sumpit at lastiko.

Kalaunan, nalaman naming mabait naman pala. Nakaibigan namin ng best friend kong si Ben. Tuloy pa rin ang panunukso ng ibang bata, pero kahit ano yatang panunuksong gawin kay Oleg ay hindi siya naaapektuhan. Sanay na ako, sabi niya sa amin ni Ben.

Ang totoo niyan, hindi naman talaga namin gustong makipag‑kaibigan kay Oleg. Isang araw lang, habang papauwi ay nakasabay namin si Ma’am Lourdes. Nabanggit niya si Oleg. Kaibiganin daw namin. Kasi kawawa naman.

Bago pumasok sa paaralan, nagtitinda muna si Oleg sa tindahan ni Miming Intsik tuwing umaga. Dumidiretso sa nanay niya ang kanyang kita, na karaniwa’y bumabalik ‘din kay Miming Intsik na siyang may pinakamalaking koleksyon ng bilog at lapad sa baryo namin. Kung hindi man umiinom, nagsusugal ang nanay ni Oleg. At kung natatalo, karaniwan si Oleg ang may sala. Buwisit daw kasi si Oleg sa buhay niya.

Madalas palang saktan si Oleg ng nanay niya. Kapag wala siyang maibigay sa nanay niya, sinasaktan siya nito. Ang masaklap, kahit pala may naibibigay siya, sinasaktan pa rin. Kapag lasing, bugbugan pa rin. Pag hindi lasing, mas lalong bugbugan. Nang lumaon, nahalata ko, hindi naman pala kailangan ng dahilan para bugbugin si Oleg. Basta galit lang sa kanya ang nanay niya. Ala‑ala daw kasi siya ng kanyang ama, at kundi raw dahil sa pagbubuntis sa kanya ay kumikita pa sana nang malaki ang kanyang ina, ang kan­yang putang ina. Pero kahit gano’n, mahal pa rin ni Oleg ang nanay niya. Talagang pang‑ soap opera ang kanyang ugali, kung hindi man ang kanyang itsura.

Kadalasan ay hindi siya kumakain kapag nasa eskwelahan. Pagkatog ng bell para sa recess, takbo na agad siya sa library, kung anu-ano’ng binabasa. Hanga naman ang guro namin. Masipag daw. Pero kalaunan, nalaman ni Ben, halos naman hindi pala siya marunong bumasa. Kaya madalas sa library, do’n nagpapalipas ng recess para huwag mainggit sa pagkakainan namin.

Ano pa nga ba ang gagawin namin ni Ben kundi kaibiganin siya? Una’y dahil nakakaawa talaga. Pangalawa, dahil sinabi ni Ma’am Lourdes (o ito ba ang una?). Grade 5 pa lamang kami pero alam na namin ni Ben na kami ang maglalaban sa honors pagdating ng Grade 6. At alam naming hindi maganda sa aming reputasyon ang pagiging matapobre at mapang‑hamak ng kapwa.

“A-Ako ba ang tinatawag ninyo?” tanong ni Oleg nang kawayan namin siya ni Ben.

“Oo,” sabi ni Ben. “Halika, hahatian ka namin ng baon.”

Alanganing lumapit. Pakipot pa pero gutom rin naman, bulong ko kay Ben. Siniko ako ni Ben.

Maya‑maya’y lumapit din. Binigyan ni Ben ng isang sandwich. Maya‑maya pa, nagtatawanan na kaming tatlo. Siyempre kitang‑kita ni Ma’am ang lahat. Alam ko, natutuwa siya kaya’t natutuwa rin kami ni Ben. Masarap talaga ang pakiramdam kapag gumagawa ka ng mabuti ‑‑ lalo na kapag nakamasid lamang sa tabi‑tabi si Ma’am Lourdes.

Mula noon, kabuntot na namin si Oleg kahit saan kami pumunta ni Ben. Paninirador, paglalangoy sa may sapa, pangunguha ng gagam­ba. Kapag may bibilhin sa tindahan tulad ng softdrinks at puto‑seco, hindi na siya kailangang utusan. Siya na ang nagpi‑prisinta. Kami kasi ni Ben ang laging may dalang pera. Kung baga sa relasyong kapitalista at manggagawa, labor lang ang maaari niyang ibigay na kontribusyon. Pero kung sabagay, siguro’y alam na rin niyang kapag hindi siya nag-prisinta, siya rin naman ang uutusan namin ni Ben.

Nang dumating kami sa Grade 6, halos alam na namin ang mangy­ayari. Ganoon naman daw ang nagyayari taun‑taon. Nag‑away kami ni Ben dahil sa honors. At matinding away talaga.

Noong una’y hindi lang kami nagpapansi­nan. Tapos nagkaroon na ng pasikatan sa klase. Magaling ako sa English at Filipino habang terible naman siya sa science at math. Nang nahalata ng klase na nagkakainitan na kami, nagkaroon na ng dalawang kampo ‑‑ isang kampong maka‑Ben at isang kampong maka‑Jojo (ako ‘yun!).

Sa tindi ng away namin ni Ben, ang lahat na yata ay tila pinaglabanan namin -- kung sino ang may mas malinis na damit, kung sino ang nakabunot ng mas maraming damo sa playground, kung sino ang mas maraming naigib na tubig para sa canteen, kung kanginong tanim ang mas mabunga, kung sino ang mas maraming kaibigan, at kalaunan, kung kangino sasama si Oleg. Noon namrublema si Oleg. Kangino siya sasama e pareho naman kaming naging mabait sa kanya ni Ben?

Nasentro ang atensyon ng klase kay Oleg.

Tuwing labasan, unahan na kami ni Ben sa pagsabay kay Oleg. Kapag kasama ko si Oleg, pakiramdam ko ay asar asar si Ben. Tuwa naman ako. Pakiramdam ko, natatalo ko siya sa paligsahan namin. Pakiramdam ko ako na ang valedictorian. Tingin ko’y ganoon din naman ang pakiram­dam ni Ben kapag sila ni Oleg ang magkasama. Nakakatawa, pero ang pagiging valedictorian ay tila ba pinaglabanan namin ni Ben sa kung sino ang sasamahan ni Oleg. Sa araw-araw na giyerang-patani namin ni Ben, si Oleg ang nagsilbing tropeong ipinaparada ng nagwagi sa araw na iyon.

Nang lumaon, si Oleg na ang lumayo sa aming dalawa. Siguro’y nakulitan na rin. Ayos lang naman.’yon, basta ba’t pareho niya kaming lalayuan ni Ben. Hindi ko alam kung bakit, pero nang dumistansiya sa amin si Oleg ay tila ba pareho namin siyang biglang nakalimutan.

Ilang linggo bago ang graduation, halos hindi namin napansin ni Ben, hindi na pala pumapasok si Oleg. Sabi ni Ma’am Lourdes, may sakit daw ang nanay. Hindi na maka­kayang pumasok dahil bukod sa kailangang kumita, kailangan pa niyang alagaan ang kanyang malupit na ina. Sabi ko na, pang‑soap opera ang ugali ni Oleg.

GRADUATION NA. Ilang araw ding nag-practice ng kanyang valedictory speech si Ben. Ako naman ay ni hindi umabot sa pagiging salutatorian. First honorable mention lang. Masama ang loob ko noong una. Akala ko kasi’y ako na ang valedictorian dahil nang bilangin ko, mas marami pala ang araw na sa akin sumama si Oleg. Pero nang bandang huli, okey na rin. Honor lang naman ‘yan, sabi ko. Nagkabati rin kami ni Ben. Hindi naman pala tayo dapat mag-away e, sabi ni Ben. Binatukan ko.

Natapos ang graduation pero hindi dumating si Oleg. At nalaman naming namatay pala ang nanay ilang oras bago ang graduation. Bituka raw ang nadale. Gusto ko sanang pumunta sa lamay. Kaya lang wala akong kasama. Kinabukasan kasi, lumipad na papuntang Hong Kong ang pamilya nina Ben -- regalo sa kanya ng tatay niyang Beho. Pero okey lang naman siguro kung hindi ako makapunta, naisip ko. Siguro, marami namang tao. Hindi lang naman siguro ako ang kaibigan ni Oleg. Hindi na mahahalatang wala ako. Wala na rin namang magtse-tsek ng attendance sakaling hindi ako makarating. Hindi ko na titser si Ma’am Lourdes.

Matalik pa rin kaming magkaibigan ni Ben hanggang high school. Pero unti-unti, nagkaroon na rin kami ng kanya-kanyang barkada. Nang mag-college, du’n na kami nagkahiwalay. Nakapagtapos ako ng kolehiyo na hindi ko man lang siya nakikita. Balita ko’y naging engineer na siya. Naging manunulat naman ako. Kaya heto ako ngayon: pagala-gala, nangongolekta ng mga karanasan.

Pero sa dami na ng nasulat ko, minsan ay natutuyuan na talaga ako ng ideya. Nauubusan na ako ng istoryang kakaiba, anumang laboy ang gawin ko. Bigla kong naalala si Oleg. Bakit hindi ko isulat ang buhay ni Oleg? Napakaganda ng pagkakalungkot ng kanyang buhay para sayangin lamang sa ala-ala.

At sa di-inaasahang pangyayari -- deus ex machina ng totoong buhay -- nagkita kami ni Oleg. May bonus pa dahil napaka-inspiring ng kanyang ayos -- tunay na simbolo ng kahirapan, nakaka-agit. Palanca material, naisip ko. Noon ko nasapol kung ano ang naramdaman ni Magellan nang madiskubre niya ang Pilipinas. Hindi pa man ay nagbibilang ka na ng ginto at rekadong ibabalik sa Espanya.

“Oleg!” bati ko.

Nang una’y hindi ako nakilala. Pero nang mamukhaan na ako, alanganing napangiti.

“Kumusta?” sabi ko

“O-Okay lang.”

Hindi ko alam kung napangiti ako. Sa kaso kasi namin ni Oleg, talagang nakakatawa ang sagutang ito -- wala akong pakialam kung kumusta na siya, at kahit ano’ng sipat ang gawin ko, hindi siya puwedeng maging okay.

“K-Kamusta na,” sabi naman ni Oleg.

“Okey lang,” gaya ko. “Halika muna, kain tayo.”

Nag-alangan.

“Sige na, ililibre kita,” yakag ko sabay hila sa kanyang braso. Pakipot pa pero gutom rin naman, bulong ko sa sarili ko. Natapilok ako.

Akyat kami sa Fernando’s. Hindi iilan ang napatingin sa itsura ni Oleg. Sabi ko na, hindi siya okay. Umorder ako ng sisig, kanin at dalawang bote ng beer.

Hindi pa rin nagbabago si Oleg. Kimi. Tahimik. Hindi nagsasabi kung ano ang nasa loob. Halatang gutom at gustung-gusto nang kumain ay pinaiiral pa rin ang hiya.

Nagkataong sadista yata ako nang araw na iyon. Nakahain na ang umuusok-usok pang sisig ay hindi muna ako kumain. Gusto kong makita ang kanyang gagawin, kung nagbago na ba siya. Susubo na ba siya o hihintayin akong umuna?

Humigup-higop muna ako ng sabaw habang pakuwento-kwento. Higop din siya, nakikinig. Umorder ako ng pansit. Higop ulit. Nang maubos namin ang sabaw, humingi uli ako. Tig-isang tasa kami. Sinimulan ko na ang pagkain. Nagsimula na rin siya. Gutom talaga, naisip ko.

Nakapag-asawa pala si loko. Pero iniwan din siya nang makakita ng kalaguyo. Baka dahil mas maputi, naisip ko. Iniwan sa kanya ang dalawang anak. Isang lalaki at isang babae. Junior niya ang panganay -- Olegario Jones, Jr. Napangiti ako. Kung ang Senior ay pinaghalong imported at local na tsokolate, ang Junior naman ay ano, choc-nut?

Naubos na ang pagkain. Order uli ako ng pansit. Canton naman dahil bihon ang inorder namin noong una. Kumuha uli ako ng dalawang beer.

Kamamatay lang pala ng anak na babae. Lupus daw, na ang tanging pagkakaintindi niya ay siyang naging sakit ni Apo Makoy. Nang maisipan niyang ipadoktor, malala na. Kahit raw gastusan pa, sabi sa charity ward ng UERM, hindi na kayang gamutin. Para daw AIDS kung kumapit, walang ligtas. Ano pa raw ang magagawa niya? Kahit pala may panggastos ay mamamatay rin. Kaya ginawa na lamang niya ang kaya niyang gawin -- umiyak siya.

Tatlong buwan daw nilagnat. Nang mawala ang lagnat, lantang gulay na ang itsura. Payat. Humpak ang pisngi. Halos bumaon na sa lalim ang dati’y masiglang mata. Sa una’y nakakapagsalita pa, na mas maaaring tawaging ungol kaysa salita. At sa maliit nilang barung-barong sa tabi ng riles ng tren, doon na lamang naghintay ng wakas ang biography ng kanyang anak. Magandang istorya, thank you.

Naghahanap daw siya ng trabaho. Pero wala raw magkamali. Kung hindi siya napapagkamalang may TB, napapagkamalan siyang magnanakaw. Itinanong ko kung ano ang pinagkakakitaan niya ngayon. Paliguy-ligoy. Ayaw sabihin. Hindi ko na kinulit. Medyo nahuhulaan ko na naman kung ano. Sapat na sigurong ebidensiya ang nagkakalansingang barya sa kanyang maluwag na pantalon at ang kalawanging lata ng sardinas na patago niyang idinispatsa habang paakyat kami ng Fernando’s.

Naubos ko ang pansit sa plato ko. Pero siya, halos hindi pala niya ginalaw ang nasa plato niya. Tinawag ko ang weyter para kunin ang chit. Lapit ang weyter. Noong una’y nahihiya, pero nang hindi ko inialok, siya na rin ang nagpabalot ng pansit sa kanyang plato.

“Para sa anak ko,” alanganin ang ngiting sabi niya.

Labas na kami. Paalaman.

“Kamusta na nga pala si Ben?” ang naalalang tanong ni Oleg.

“Wala akong masyadong balita,” sabi ko. “Pero ang alam ko engineer na siya.”

“Ikaw, ano na nga pala ang tarbaho mo ngayon?” usisa ni Oleg.

Akala ko’y lusot na ako. Hindi pa pala.

“Writer ako ngayon sa isang magasin,” sabi ko. “Tungkol sa buhay-buhay ng mga simpleng tao sa lunsod, ganun.”

Natahimik.

“Kaya mo ba ako pinagkukuwento kangina?” tanong niya. “Balak mo bang isulat ang tungkol sa buhay ko?”

“Aba, oo nga ano?” kunwa’y nagulat pa ako. “O-Okey lang ba?”

Napatungo siya sa hawak na balutan. Nang iangat ang mukha ay may halong pait ang kanyang ngiti.

“Okey lang,” sabi niya. “Sanay na ako.”

Isang tango at pilit na tawa ang kanyang pagpapaalam. Tumalikod. Lumakad. Sinundan ko siya ng tingin.

Halos masira ang balutan ng pansit sa higpit ng hawak niya dito.

KUWENTONG DYIP

Ang pagsusulat ay tulad ng pagsakay sa dyip. Minsan okey ang biyahe. Minsan, bad trip. Minsan nakakarating ka sa paroroonan. Minsan naman ay naaaksidente ka na bago pa man makapunta sa destinasyon. Kahit anong laking hirap, kapag kailangan, ay wala kang magagawa. Kailangan mong tiisin gaano man kalupit ang tulakan, sipaan, sabitan at tsansingang mangyayari.

Hindi na ako bago sa pagsakay ng dyip. At lalong hindi na ako bago sa pagsusulat. Katunayan nga’y matagal ko nang pinagkakitaan ang larangang ito. Pero tulad ng mga artis­tang nage‑enroll sa theater arts para matutong umarte, isa akong writer na bumalik sa pamantasan para matutong magsulat. I don’t want to hack my way through life, ika ko nga sa isang kaibigan habang nagsesenti kami sa harap ng holy water ni San Miguel. Kaya heto, balik uli ako. Kahit dyahi na sa mga dating klasmeyts na naging teachers ko pa ngayon.

Eniweys, hindi naman tungkol sa kapal ng aking mukha ang gusto kong ilahad dito. Gusto ko lang sanang ikuwento ang nangyari sa akin kagabi. Ayaw ko na sanang ikuwento pa, pero kung pipilitin mo pa ako nang konti, e ‘di...sige na nga!

Ang totoo niyan, wala naman talagang nangyari, tulad ng maaaring isipin ng isang tao kapag sinabihan siyang may “nangyari sa akin kagabi.” Ang “nangyari kagabi” ay mga pangyayaring naganap dahil sa natural na pagtakbo ng panahon, hindi dahil may napakahalaga, napakalungkot o napakasayang kaga­napan. Kaya pag sinabi kong may nangyari sa akin kagabi, maaar­ing ibig sabihin nito ay dyuminggel ako, o naglakad ako, o kaya nama’y naghikab ako. Ang payo ko na lamang siguro ay huwag ka na lang maghanap ng profound na mensahe sa mga sasabihin ko.

Pero hindi naman ibig sabihin nito ay walang nangyayari sa buhay ko sa depinisyong iniisip mo kapag narinig ang salitang “pangyayari.” Namatayan na rin naman ako ng ama, ng tito, ng lola. Marami na ring pag‑ibig ang namatay sa aking puso. At lalung marami na rin ang mga paniniwalang namatay sa aking isip. Ibig sabihin, hindi naman napaka‑boring ng buhay ko, na maaari mong isipin matapos malamang namumrublema ako sa kawalan ng magagawa. May excitement rin naman ang buhay ko, kahit papaano, paminsan-minsan. Ang gusto ko lamang sabihin, kahit may nangyayari sa akin araw‑araw, hindi naman araw‑araw kailangang maging importante ang mga pangyayaring ito. Ang ibig kong sabihin--- o, sige, makulit na:

Madilim kagabi. (syet!) Unang kita ko pa lamang sa ‘yo ay natawag mo na ang aking pansin. Paakyat ka sa dyip na sinasakyan ko. Suwerte, sabi ko. Lalo na dahil malaki ang espasyong malapit sa akin. Pihado, magkakatabi tayo.

Malas. Umistayl ang isang mukhang DOM na nakaupo sa kanan ko. Sa damit ay papasa nang tao, lalo na siguro kung kasama sa outfit niya ang isang maskara. Tila isang Makati executive kung suot lang ang pagbabatayan, ‘yun bang tipong pag pumasok sa Manila Hotel ay magdadala­wang‑isip muna ang mga guwardiya bago siya palabasin -- kahit na masama sa business ang pagkakaroon ng isang pagala‑galang gorilya. Sobrang askad ng mukha, parang prunes na tinubuan ng taghiyawat. Kung sa amoy naman, parang expired na Rexona.

Sumiksik ng upo sa akin ang taong‑gorilyang parang prunes na tinubuan ng taghiyawat ang mukha, siyempre gusto siya ang tabihan mo. At utu‑uto ka naman, sa kanya ka nga tumabi. Purnada, sabi ko. Gusto kong umbagin si Mr. Prunes pero minabuti kong tumahimik na lamang. Mas malaki kasi sa akin -- pero hindi ako duwag, ha? ‑‑ at maskulado pa. Sabihin na lang nating vain ako -- ayoko lang na ang mukha ko naman ang maging raisins.

Halos kasasayad pa lang ng puwet mo sa upuan ay nagbayad ka na ng pamasahe. Taga‑Angono ka pala.

Maya‑maya, dakong floodway, bumaba si Mr. Prunes. Sinaman­tala ko ang pagkakataon para tabihan ka.

Hindi pa tayo ganap na nagkakalapit, amuy na amoy ko na ang pabango mo. Hindi ko lang naamoy kangina dahil tinalo ito ng sangsang ng taong‑gorilya.

May binabasa ka. The Name of the Rose ni Umberto Eco. Bilib ako. Ngayon lang kasi ako nakakita ng isang magandang babaeng binabasa si Umberto Eco sa loob ng dyip na biyaheng Binangonan. Maniwala ka, talagang maganda ka.

“Maganda ‘yan,”simula ko ng diskarte. “Lalo na ang ending.”

Tiningnan mo ako nang masama, parang nagbabanta: huwag mong sasabihin!

“Si Abbot ang may pakana ng lahat ng patayan eh,” sabi kong may pagmamayabang.

Sobra lamang siguro ako sa pagpapanood ng mga Tagalog movies kaya ibang‑iba ang inaasahan ko kaysa sa tunay mong ginawa. Akala ko kasi, aawayin mo ako. Pag inaway mo ako, magpapaliwanag naman ako. Pag nagpaliwanag na ako, magkakabati tayo. Siyempre makikipagkilala ako. At dahil guwapo naman ako, ibibigay mo naman ang pangalan mo. Tapos, maya‑maya, kapag bababa ka na, bababa na rin ako para ihatid ka. Siyempre, malalaman ko ang bahay n’yo. Itatanong ko na ang iyong telepono na madali mo namang ibibigay dahil charming ako. At sa Linggo, babalik ako sa inyo, may dalang flowers at chocolate--- baduy pero epektibo.

Pero iba nga ang iyong ginawa. Hinding‑hindi ko inaasahan dahil hindi ko kailanman napanood sa mga pelikula ni Ate Sharon.

Itinapon mo sa bintana ang libro.

“Bakit mo itinapon?” gulat na tanong ko.

“Ang kapal ng mukha mo eh,” galit ka. “Bakit mo sinabi ang ending!”

“Nanloloko lang ako,” sabi ko. “Ang totoo n’yan...”

“Para!”

Tumigil ang dyip at nagmamadali kang bumaba.

“Miss, saan ka pupunta?” tanong ko. Sa Angono pa bababa ‘yun a!

Hindi mo na ako sinagot. Nagmadali akong magbayad.

“Mama bayad,” sabay abot ng beinte pesos. “Dito lang.”

“Wala ka bang otso?” tanong ng driver.

“Wala.”

“Ba’t hindi ka pa kangina nagbayad?” inis na sabi ng driver. “Magtatampuhan lang kayo ng siyota mo, nang‑abala ka pa.”

Fuck you!

Medyo malayo ka na pero amoy na amoy ko pa rin ang pabango mo. Binalikan mo pala ang itinapon mong libro. Magsosori talaga ako sa iyo. May mga nakahanda na akong linya sa mga ganitong pagka­kataon. Matagal ko ring pinagpraktisan sa harap ng salamin. Makaluma, pero epektibo.

Pero teka, may kulang yata sa akin. Noon ko lang nahalata na wala na pala akong dala. Naiwan ko ang aking bag sa dyip, na ngayo’y hindi na abot ng aking tanaw. Ibig sabihin, wala akong pera. Buong tapang kong ibinato sa driver ang sukli kong barya, dala na rin ng aking pagkaasar. Siyempre (dahil nga vain ako) siniguro ko muna kung mas malaki ako sa kanya.

Ngayo’y kailangan kitang maabutan. Kailangan na kitang kilalanin, kaibiganin at paibigin. Hindi na lang ako basta nabibighani sa iyong kagandahan. Kailangan pa kita para ako makauwi. Pautang!

Kailangan kitang maabutan. Kailangan kitang makaibigan habang nasa daan pa lamang tayo. Kapag sa dyip ko ito ginawa, baka akalain ng mga taong binabastos kita. Baka may mga gentle­man na mabighani rin sa iyo, at ipagtanggol ka sa mga bastos na katulad ko. Kailangang abutan kita. Paspas. Takbo.

Dumating ang isang dyip. Kumaway ka, at alam kong hindi ito sa akin nakaukol. Tumigil ang dyip. Sumakay ka.

Lagot. Hindi na kita makakaibigan sa daan. Pero wala na akong magagawa. Sa dyip na lamang tayo mag‑usap!

Kumaway rin ako. Pakanan at pakaliwang pinaikot ng driver ang kanyang palad. Walang bakante. Itinaas ko ang aking kamao. Sabit. Umiling ang driver. Hindi pwede ang sabit.

Sumibad ang dyip sa aking harapan, sakay ka. Masikip na nga sa loob, hindi na kita nakita.

Napabuntung-hininga ako. Wala ka na. Tinabunan ng maitim na usok ang amoy ng iyong pabango.

BINANGONAN TALES

PROLOGUE

It was a night of total darkness that brought Olegario Pineda his inevitable death.

The roof of his house and the winds of typhoon Rosing were performing the confused aria of two cats in the midst of orgasm. Olegario covered his ears, but the piercing shrieks went through his fingers, down to his bones, his teeth grinding in the mighty effort with which he tried not to shout. From time to time, the sky would shout invectives at him, preceded by blinding flashes of light.

Olegario was afraid, as he had always been in fear all his life. There were times when he would be afraid to sleep because he kept on imagining ants entering his ears and making him deaf. Some other times, he would lie on his bed, shivering as he could not ward off fears that there would be an earthquake which might cause his house to collapse and bury him under the rubble. At one point, a chest pain made him think he was having a heart attack. Luckily, he was already in the hospital when he suffered a real heart attack caused by the tension.

Olegario had always been in fear, as he was now. He was so afraid, indeed, that in that night of total darkness courtesy of a broken Meralco line, while the winds and the roofs and the sky were in their usual symphony of orgasm and rage, Olegario Pineda produced a Smith and Wesson from under his bed, and splattered his brains all over the bedsheet.

He killed himself, of course, in order to stop the fear of death from killing him.

CHAPTER 1

Binangonan lies in a misty edge of Laguna Lake, where once in the town's distant history, a colossal whirlpool swallowed the fishing yacht of Don Servando Enriquez. The obnoxious Don Servando, whose penchant for the metaphysical brought him to the farthest side of Susong Dalaga in order to see for himself (how he figured that, no one, not even his great-great-great grandson Don Servando Segundo, could tell) whether God really exists, preferred to go fishing alone.

During those nights of solitary fishing, the townspeople would hear the wild rumblings of his fart carried eastward by the warm habagat breeze. During those nights, the children, aged twelve and below, would be gathered around the plaza in front of the Church of Sta. Ursula because they would not stop crying, unable to ward off fears that the tikbalang had already awakened and that what they were hearing was the loud belching of its belly which was already yearning for children, unless Padre Luisito Salvacion, the parish priest, sprinkled them with holy water mixed with crushed garlic. During those nights, after Padre Luisito had complied to the children's wailing, the townsfolk would gather around the house of Mayor Isidro Cirajulo to petition the municipal government to confiscate Don Servando's yacht and thus prevent him from frightening the children with his pestilential fart. But during those nights, too, the good mayor would tell the townspeople to go away and let him have his sleep.

Thus, during those nights of Don Servando's solitary fishing, the vicious cycle that would start from Don Servando's fart that would frighten the children who would cry out so loud that they had to be taken to the Church of Sta. Ursula to be sprinkled with holy water mixed with crushed garlic and would end with Mayor Isidro's shooing away of the townsfolk in order for him to have his sleep would be repeated again and again every night for three generations until a colossal whirlpool got tired of it all and decided in haste to swallow the yacht, together with the already ancient and foul-bellied Don Servando.

From his childhood up to the last moments of his life, Don Servando Segundo Enriquez would hear the story retold again and again, sometimes from his father, sometimes from his grandfather, some other times from his great-grandfather, but mostly, from himself. He liked the story so much that when there was no one left to tell it to, as five decades of telling and re-telling had already exhausted the patience of the whole town and every one was no longer willing to listen, he would tell it to himself with such great zest that he sometimes convinced himself that it was the first time he would ever hear about it. Raised in Pilapila, which offered an aerial view of the lake, he would often look at the dark, mysterious waters that swallowed his great-great-great grandfather, hoping that, punished for centuries by the fart of Don Servando Enriquez, it would decide someday to spit out his namesake.

The reason for it was obvious. Before leaving the house on that fateful night, the old patriarch made a hurried promise to Lolita, his eighteen year-old daughter, that he would take her to the ballroom the very moment he came back. Lolita, who was fortunately endowed with so much physical beauty to make up for the intelligence that she was deprived of all her life, seated herself on the porch waiting for her father until her life ended in the sweet age of ninety-seven. Even in death, the immeasurable void between her ears managed to stay, and so she remained there on the porch, a most beautiful half-witted ghost, still waiting for Don Servando. Servando Segundo tried everything to make his great-great-grand-aunt go away, contacting spiritists and psychics all over the land, but the steadfast ghost would not budge, and thus continued to scare away potential customers of his hotel and restaurant. What Servando Segundo never realized, of course, was that he inherited her intellect, which led him to proceed with the construction of a hotel and restaurant that was doomed from the very start by her ghostly presence.

CHAPTER 2

Despite herself, Lolita decided, in a rare occasion of lucidity, that she would not die a virgin. A survivor of three hundred forty nine typhoons, five tornadoes, half a dozen earthquakes, a few hundred wild bees, as well as the scorching tropical afternoon sun and some other emissaries of nature that tormented her vigil on the porch, Lolita's resolve was so firm that she immediately grabbed the arm of the first man she saw that morning. His name was Ruel Cervo, a stone-cutter in the cement factory's quarry.

When Ruel's family moved to Binangonan when he was five, he instantly developed a great liking for Lolita, whose sweet, beautiful face created a spell that required at least nine continuous hours of inhaling camphor vapors before releasing his balintataw, his mind's eye, which saw her everywhere, even in his bowl of hot chocolate porridge or even in the great heap of his chocolate-colored shit. It was a quiet innocent love untainted by lust until he reached the age of thirteen, when he was old enough to realize the great magnitude of her breasts. When Lolita grabbed him that morning when he was on his way to the quarry carrying a pouch that contained his lunch of fried rice and boiled mongo beans, twenty five years after he saw her the first time sitting alone on that same solitary porch, he instantly knew that he would not only oblige, but would just be too willing to perform the wild routine that he had always dreamt of doing with her. And so, despite her age of more than half a century and despite her skin which was beginning to break and despite a few patterns of repulsive lines already showing on her face, he made love to her on the porch atop a bed of scattered fried rice and boiled mongo beans, with all the brute force and savagery that a stone-cutter of a cement factory could muster. Everyone who saw them that morning made the sign of the cross and prayed a few hundred prayers in order to appease the soul of Don Servando Enriquez, who would have turned in his aquatic grave over the scandalous sight of Ruel and his daughter.

At around noon a few hours after, a dark, violent cloud hovered around the whole town, threatening to devour it. It was the first time to rain in Binangonan after a couple of years or so. When the first few drops hit the scorching ground, they immediately fizzled into vapors. For a brief moment, the whole town suddenly smelled of fart.

FLOPPY LOVE

Floppy

disk akong nagiging

hard

pag kasama ka.